NANG pagulungin, wika nga, ng gobyerno ang 219 milyong piso financial assistance sa anim na bayan sa aming lalawigan sa Nueva Ecija, nakadama ako ng matinding pangingimbulo. Isipin na ang naturang ayudang pinansyal ay ipamamahagi lamang ng Department of Agriculture (DA), sa pakikipagtuwang sa Land Bank of the Philippines (LBP), sa anim na bayan -- Cuyapo, Guimba, Science City of Muñoz, Quezon, Talugtog at Nampicuan.
Dahil dito, kagyat kong naitanong: Ang Zaragosa ba -- ang bayan na aking sinilangan -- ay burado sa mapa ng NE? Hindi ba ito bahagi rin ng pagiging rice granary ng aming lalawigan na marapat ding masayaran ng mga benepisyong nakaukol sa mga magsasaka? Hindi ba ang gayong sistema ng pagpapausad ng financial assistance ay maituturing na tagibang sa pagsaklolo?
Mabuti na lamang at bahagyang humupa ang aking matinding pangingimbulo na may kaakibat na panggagalaiti nang aking makausap si Assistant Secretary Noel Reyes -- DA spokesperson; ipinaliwanag niya ang puno’t dulo na puspusang pagtulong sa mga magsasaka sa buong kapuluan, lalo na nga sa mga lugar at lalawigan na may malaking produksiyon ng palay.
Upang bigyang-diin ang maigting na pagtustos ng gobyerno sa pangangailangan ng mga magsasaka, binigyang-diin din ni Reyes ang pahayag ni Secretary William Dar ng DA nang pangunahan niya ang panimulang paglulunsad ng programa sa ilalim ng Rice Farmers Financial Program (RFFAP): “Dalawa po ang utos sa amin ng mahal nating Pangulo. Una, suportahan at mahalin ang mga magsasaka sa kanayunan; at pangalawa, ibigay kaagad ang ayudang 5,000 piso sa mga magsasaka na ang bukirin ay mula kalahati hanggang dalawang ektarya.”
Noon ko nabatid na ang 43,845 magsasaka sa aming lalawigan ay tatanggap ng LBP cash cards na kinapapalooban ng 5,000 piso upang magamit nila sa livelihood project at sa pagpapalaki ng kanilang produksiyon. Ito ay isasagawa rin sa 33 lalawigan na ang mga magsasaka ay laging katuwang sa pagsisikap ng pamahalaan sa pagkakaroon ng sapat na pagkain. Sa ibang salita, napag-alaman ko na hindi lamang sa aming lalawigan ipararating ang gayong tulong kundi sa lahat ng dako ng kapuluan.
Sa bahaging ito, natitiyak ko na ang aming pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ni Gob. Aurelio Umali, ay hindi magpapabaya sa pantay-pantay na pagsaklolo sa mga magsasaka. Sana, hindi malimutan ang aming bayan.
-Celo Lagmay