DAHIL sa halos sunud-sunod na sunog na naganap sa iba’t ibang sulok ng kapuluan, hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang nakakukulili sa tainga subalit makabulugang panawagan ng Bureau of Fire Prevention (BFP): Mag-ingat sa sunog. Ibig sabihin, lagi nating silipin o obserbahan ang malimit na nagiging dahilan ng sunog -- faulty electrical wiring, jumper at octopus connection, sumisingaw na LPG tank, at iba pa. Makatuturan ang ganitong mga babala, lalo na ngayong ilang tulog na lamang, wika nga, gugunitain na naman natin ang Fire Prevention Month.

Hindi biro ang masunugan. Sa ilang bahagi ng Metro Manila, at maging sa ilang lugar sa Kabisayaan at Mindanao, libu-libong pamilya ang nawalan ng bahay; napilitang makisulong sa mga evacuation centers hanggang ngayon na hindi pa halos lumilipas ang Kapaskuhan.

Palibhasa’y isa ring biktima ng sunog, damang-dama ko ang pagdurusa ng ating nasunugang mga kababayan, lalo na ang mga informal settlers na ang karamihan ay naninirahan pa sa mga estero at sa ilalim ng mga tulay. Maraming taon na ang nakalilipas nang matupok ang aming bahay na yari sa pawid at pinagdatig-datig na tabla at troso; halos lahat ay naabo, pati ang ararong kahoy ng aking ama. Nagkatotoo ang kasabihan na ‘nakawan ka na nang 10 beses, huwag ka lamang masunugan’.

Maaaring ang nasabing kawikaan ay hindi gaanong tumatalab sa mga nakaririwasa sa buhay, taliwas sa nadadama ng mga maralita, lalo na ang mga iskuwater. Hindi ba may mga sapantaha na sinasadya ang pagsunog sa mga malalaking establisimyento na nakaseguro nang malaking halaga? At hindi ba may mga haka-haka rin na ang tinitirhan ng mga iskuwater ay sinusunog upang iyon ay pagtayuan ng malls o commecial centers? Hindi ko matiyak kung gayon nga ang intensyon ng pinaghihinalaang mga arsonist, tulad ng sinasabing nangyayari sa ilang establisimyento.

Ang gayong mga haka-haka ay sapat na upang tayo ay laging maging mapagmatyag at laging pahalagahan ang panawagan ng BFP hinggil sa pag-iingat sa sunog sa lahat ng sandali; hindi lamang kung Fire Prevention Month.

-Celo Lagmay