AYON sa isang kasabihan, “the only constant thing in this world is change”, maganda man o hindi ang kinalabasan ng pagbabago ay hindi ito mapipigilan. Ang magiging aksyon o gagawin sa nangyaring pagbabago ang tanging makokontrol natin.
Isang taon na naman ang lumipas at marami na ang naganap sa ating bansa. Ilan sa mga ‘di malilimutang pangyayari sa nakaraang taon ay ang May 2019 Elections at ang 30th SEA Games.
Maraming bagong naihalal sa puwesto at ang iba naman ay nanatili sa posisyon at sa kabila ng mga nagdidiwang sa naging resulta ng eleksyon at ‘di mawawala ang mga mapanuri at mapanghusgang mga Pinoy sa social media. Sa panahon ngayon na mas umuunlad na ang ating teknolohiya at madali na ang akses sa iba’t ibang social media sites ay halos lahat ng tao ay may opinion sa bawat nangyayari sa ating bansa.
Isa sa pinakapumukaw ng atensyon hindi lang ng mga Pinoy kundi ng mga nasa ibang bansa ay ang 30th SEA Games. Kaliwa’t kanan ang mga opinyon ng tao, positibo o negatibo man. Sa huli ay ‘di pa rin matatawaran ang galing nating mga Pinoy sa kabila ng mga pamba-bash ng iilan dahil tayo ang itinanghal na overall champion na may 387 na medalya at 149 dito ang gold.
Dahil sa ginanap na SEA Games ay naging abala ang buong bansa lalo na ang kalsada ng Maynila at iba pang lugar na pinagdausan ng mga laro. Mas nadagdagan ang trapik sa kalsada dahil na rin sa proyektong Build, Build, Build ni PRRD.
Maliban sa mga ginagawang kalsada ay inumpisahan na din ang Metro Manila Subway at ang mga estasyon ng tren sa iba’t ibang lugar na magdurugtong sa mga probinsya patungong Maynila upang mas mapabilis ang biyahe. Isa ring inumpisahan na ay ang pagtatayo ng Bulacan International Airport na magbibigay solusyon sa dumadaming taong gumagamit ng NAIA.
Dahil sa trapik sa Maynila isang solusyon din na ginawa ay ang pag-ban ng mga provincial na bus sa EDSA. Marami ang nagreklamo at kumontra dahil sa dagdag-hirap sa pagbiyahe kaya naglagay ng mga P2P bus at iba pang transportasyon upang mas mapabilis ang komyut ng mga Pinoy.
Hindi lang sa transportasyon nagkaroon ng problema ang ating bansa nitong 2019 kundi pati na rin sa tubig. Dahil sa El Niño ay nagkaroon ng malaking kakulangan sa tubig lalo na sa Maynila at ibang kalapit na bayan. Dahil sa problema sa tubig ay maaari rin itong pagmulan ng iba’t ibang sakit tulad ng patuloy na paglaganap ng dengue sa ating bansa.
Maliban sa dengue ay muling nagbalik ang polio virus sa ating bansa mula ng ideklarang polio-free ang Pilipinas 19 na taon na ang nakararaan. Nagpositibo sa polio virus ang isang batang babae at ang isang imburnal sa Maynila kaya nagkaroon ng polio outbreak sa ating bansa.
Bago rin matapos ang taon ay kumalat ang ASF o African Swine Flu na nagpaiwas sa ilang mga Pinoy na kumain ng baboy. Dahil dito, matinding naapektuhan ang Hog industry ng bansa.
Nagkaroon din ng measles outbreak noong simula ng 2019 kaya’t pinag-iingat ang lahat lalo na ang mga bata.
Hindi rin mawawala sa eksena ng 2019 ang sunod-sunod na lindol na tumama sa Katimugang bahagi ng Pilipinas, sa Mindanao. Unang niyanig ang Cotabato province ng 6.3 magnitude na lindol noong Oktubre 16. Nasundan ito noong Oktubre 29 nang tumama ang 6.6 magnitude na lindol sa bayan ng Talunan at Makilala. Sa ikatlong muling niyanig ng 6.5 magnitude na lindol noong Oktubre 31 na muling tumama sa Cotabato.
Samantala, isa sa mga pinag-usapan at pinagdebatehan na usapin nitong 2019 ay ang pagbaba ng age of criminal liability sa mga bata. Ngayong laganap ang ilegal na droga at paggamit sa mga menor de edad sa kalakalan nito, nais ibaba ng ilang opisyal sa gobyerno ang edad sa 12 taong gulang. Kumalat ang hashtag na #ChildrenNotCriminals sa social media dahil sa usaping ito.
Sabi nila, ang araw ng Pasko ay para sa mga bata, mga nag-aabang na ang mga palad at nakahanda ang pitaka para sa malulutong na 20, 50 o mas malaki pa. Pero paano na kaya kung mawala na ang benteng papel at mapalitan na ito ng barya? Mukhang mapipilitan ang mga ninong at ninang na magbigay ng mas malaking halaga dahil karamihan ng mga bata ay ayaw tumanggap ng barya.
Balak na palitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang 20 pesos na papel at gawing barya tulad ng 10, 5 at 1. Ipinaliwanang nila na kumpara sa papel ay mas tatagal ang 20 pesos kung gagawin itong barya. Sa 2020 ay ilalabas na nila sa sirkulasyon ang bagong 20 pesos.
Maraming mga pangyayaring naganap nitong 2019, may masaya, malungkot, kontrobersiyal na isyu na ang ilan ay dadalhin pa natin ngayong 2020. Gayunman, kasabay ng pagpalit ng taon mananatiling buo ang pag-asa ng mga Pilipino para sa mas magandang buhay at mas masayang taon na kanilang haharapin.
Maligayang bagong taon sa ating lahat!
-ANGELLI CATAN