PALIBHASA’Y may matinding pagkauhaw sa kapayapaan para sa ating bansa, matindi rin ang nadama kong panlulumo dahil sa sinasabing kaliwa’t kanang paglabag sa Christmas ceasefire agreement ng GRP at ng CPP-NDF-NPA. Hindi pa nagsisimula ang naturang tigil-putukan na nagsimula noong Disyembre 23 hanggang Enero 7, iniulat na nilusob ng mga rebeldeng NPA ang iba’t ibang kampo ng militar sa kapuluan.
Magugunita na sina Pangulong Duterte at CPP founding Chairman Jose Ma. Sison ay nagpatupad ng unilateral ceasefire bilang preparasyon sa napipintong muling pagbuhay sa usapang pangkapayapaan ng magkabilang panig; ang nakalipas na peace talks noong 2017 ay kinansela ng Pangulo dahil din sa tahasang paglabag sa gayong kasunduan, alinsunod sa itinatadhana ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Kung magpapatuloy ang ganitong nakadidismayang situwasyon -- ang pataksil na pagsalakay ng mga rebelde -- hindi malayo na muling manganib ang pinauusad na usapang pangkapayapaan.
Hindi maiaalis na ang naturang mga eksena ay hindi lamang masyadong ipinanggalaiti ng ating mga sundalo at pulis bilang pangunahing tagapagpatupad ng ceasefire agreement; mariin din nilang kinondena ang tahasang pananampalasan ng NPA rebels na humantong sa kamatayan sa panig ng militar. Isipin na sa sandaling ipinatupad ang nasabing unilateral ceasefire, kaagad bumalik sa kani-kanilang kampo ang mga sundalo at pulis; subalit hindi pa rin nakaligtas ang ilan sa kanila sa IED (improvised explosive devise) na sinasabing pinasabog ng mga rebelde.
Maaaring makasarili ang aking pananaw sa planong peace talks, subalit sa kabila ng gayong mistulang patraidor na pakikipaglaban ng ating mga kapatid na NPA rebels, hindi dapat lubayan ng magkabilang panig ang paghahanap ng katahimikan sa buong kapuluan. Hindi lamang mga kaalyado ng CPP-NDF-NPA ang marapat magkaharap sa negotiating table kundi maging ang mga rebeldeng MNLF, MILF -- kabilang na ang mga itinuturing na mga bandidong Bangasamoro Islamic Freedom Fighters at iba pang terrorist groups na hanggang ngayon ay walang patumanggang naghahasik ng karahasan sa mga komunidad.
Makabuluhang magkausap-usap ang kinikilalang mga lider ng naturang mga rebelde na natitiyak kong naghahangad din ng tahimik na pamumuhay; na pare-parehong naghahangad din ng tinatawag na lasting peace sa ating bansa.
Sa gayon, natitiyak ko na hindi magiging mailap ang inaasam nating katahimikan at, ito ang pinakamahalaga, maiiwasan ang pagdanak ng dugo ng mga kapuwa Pilipino.
-Celo Lagmay