MATAPOS ipadala ng Department of Health (DOH) sa Malacañang ang listahan ng halos 120 gamot na isasailalim sa maximum drug retail price (MDRP), natitiyak kong itatanong ng sambayanan, lalo na ng katulad naming senior citizens: Kailan kaya lalagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order hinggil dito? Ang burador o draft ng panukalang EO ay matagal-tagal na rin naiparating ng DOH sa Office of the President (OP).
Inaasahan na sa pamamagitan ng MDRP, mababawasan ng 56 porsyento ang presyo ng mga piling medisina na nabibili sa mga drug stores. Kabilang dito ang mga gamot sa iba’t ibang karamdaman na tulad ng hypertension, diabetes, cardiovascular ailment, chronic lung disease at major cancer. Kasama rin sa tatapyasan ng presyo ang mga gamot para sa chronic renal disease, psoriasis at rheumatoid arthritis.
Bagamat hindi tuwirang tinukoy, naniniwala ako na ang naturang panukala ng DoH ay bunsod ng Universal Health Care Program (UHCP) na hindi pa natatagalang pinirmahan ng Pangulo. Itinatadhana nito ang pagkakaloob ng katakut-takot na mga benepisyong pangkalusugan na tulad ng Libreng pagpapaospital, konsultasyon, libreng mga medisina at iba pa.
Nakalulugod mabatid na kaakibat ng inaasahang pagbabawas ng presyo ng naturang mga gamot, tiniyak naman ng DOH na ang gayong aksiyon ay magiging katanggap-tanggap sa ating mga kababayan at maging sa mga drug manufacturers. Ibig sabihin, hindi iyon mangangahulugan ng pagkalugi ng drug business na ang misyon ay pinaniniwalaan kong nakatuon sa pagmamalaskit sa mga may karamdaman.
Gayunman, hindi maiiwasan na ang nabanggit na MDRP ay almahan ng mga drug manufacturers na kasapi sa Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP) ay magkibit-balikat, wika nga. Tila nais nilang ipahiwatig na ang pagbabawas ng presyo ng nasabing mga gamot ay counter productive, lalo na kung ito ay ihahambing sa halaga ng mga medisina sa mga bansa sa ASEAN. Ito ang dahilan kung bakit nais nilang makipagpulong sa ating mga government officials bago ipatupad ang MDRP.
Sa kabila ng gayong situwasyon, gusto kong maniwala na ang ating Pangulo ay hindi magpapaumat-umat sa paglagda sa nasabing EO; hindi mapag-aalinlanganan ang kanyang matapat na pagmamalasakit sa mahihirap, lalo na sa mga may karamdaman, na laging nangangailangan ng pandugtong sa buhay.
-Celo Lagmay