TINANGGAP ng Vietnam ang ‘SEA Games Federation’ flag bilang simbolo ng paglilipat ng hosting para sa 2021 edition ng biennial meet sa Ho Chi Mi.
Sa pangunguna nina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman at PH Team Chief of Mission William ‘Butch’ Ramirez, Philippine Olympic Committee (POC) president Cong. Abraham ‘Bambol’ Tolentino at Philippine Sea Games Organizing Committee (PHISGOC) Chief Cong. Allan Peter Cayetano, iniaabot ng Philippines and SEAG flag sa kinatawan ng Vietnam SEAG Organizing Committee sa tampok na programa sa closing ceremony Miyerkoles ng gabi sa track oval ng ultra-modern New Clark City sa Tarlac.
Taas-noo ang atletang Pinoy at ilan ay napaluha habang pumaparada sa saliw ng hiyawan ng crowd na kasama nila sa pakikipagtagisan ng galing sa loob ng 11 araw na kompetisyon.
Muling nakamit ng Team Philippines ang overall championship tangan ang 149 gintong medalya. May nalalabi pang events na pinaglalabanan Miyerkoles ng umaga sa handball event.
Ito ang ikalawang pagkakataon na tinanghal na overall champion ang Pinoy (2005 edition) sa kasaysayan ng biennial meet.
Magkahalong tuwa, lungkot at kabayanihan ang aksiyon sa kompetisyon, tampok ang hindi malilimot na pagsagip ni surfer Roger Casugay sa karibal na Indonesian na nalagay sa panganib ang buhay nang aksidenteng mapigtas ang tali na nagdudugtong sa kanyang surfing board.
Umani ng papuri sa buong mundo ang sakripisyo ni Casugay na posibleng sanang magwagi ng gintong medalya sa naturang pagkakataon. Mismong si Indonesia President Joko Widodo ay personal na pumuri sa kabayanihan ni Casugay. Kinasihan ng suwerte, nasungkit din niya ang inaasam na gintong medalya sa longbaord competition dalawang araw matapos ang insidente.
Sa pagdiriwang ng sambayanan, buhos din ang biyaya para sa maagang Pasko ng mga miyembro ng Philippine Team na nagwagi ng medalya matapos ipahayag ni Pangulong Duterte ang pagbibigay ng karagdagang ‘cash incentives’.
Bukod sa itinatadhana ng batas sa ilalim ng Republic Act 10699 na tatanggap ang mga SEA Games medalists ng P300,000, P150,000 at P60,000, ayon sa pagkakasunod, magbibigay ng hiwalay na P250,000, P150,000 at P100,00 ang Pangulong Duterte.
“We were all hoping and praying for this, but it is still a sweet surprise now that it is actually happening. I am so proud of our athletes. All of them deserve our respect and love,” pahayag ni Ramirez.
“Our athletes give them varied choices of good role models to emulate,” aniya.
May hiwalay ding dagdag na insentibo ang PSC ayon kay Ramirez, gayundin ang POC, habang ipinahayag ng Kongreso ang paglalaan ng P10 milyon mula sa kanilang suweldo para maibigay sa mga atletang Pinoy.
-Annie Abad