BAGAMAT matagal-tagal na rin namang sinundo ng Panginoon, wika nga, ang aking ama, nakakintal pa rin sa aking utak ang kanyang mga adhikain sa larangan ng agrikultura: Makabagong sistema ng pagsasaka na kaakibat ng puspusang implementasyon ng reporma sa lupa o land reform. Naniniwala ako na ito ang pangarap ng mga magbubukid hindi lamang sa aming barangay sa Batitang, Zaragoza, Nueva Ecija kundi ng iba pang kababayan nating magsasaka sa iba’t ibang panig ng kapuluan.
Ang naturang mga adhikain ay nakalulungkot na nakamatayan ng aking ama. Subalit natitiyak ko na siya, na isinilang at yumao na isang magsasaka, ay umaasang sisilang ang modern farming na kabaliktaran ng sinaunang paraan ng pagsasaka noong siya ay nabubuhay pa. Nagkataon na ang aking ama ay nagdiwang sana kahapon ng kanyang ika-95 kaarawan. Isinilang siya noong Disyembre 10, 1910.
Matagal na pinagtiisan ng aking ama, at ng iba pang magbubukid ang tinatawag na ancient farming method. Sa halos araw-araw na paglusong namin sa linang o bukirin, naging kaulayaw namin ang araro at kalabaw sa pagbungkal ng bukid -- sakahan na hindi namin pag-aari. Ang dalawang ektaryang lupa ay pinasasaka lamang sa amin ng isang nakaririwasang pamilya sa aming bayan -- ang Viardo family. Ito marahil ang dahilan kung bakit nais ng aking ama na ganap na maipatupad ang programang reporma sa lupa.
Dahil sa kawalan ng patubig sa bukiring sinasaka namin, naisip ng aking ama na magpatayo ng maliit na bomba ng tubig. Sa pamamagitan ng pinagdugtong-dugtong na kawayan, pinadadaloy niya ang tubig mula sa water pump upang mapatubigan ang aming bukirin -- isang epektibong sistema upang hindi matigang ang lupa. Sa gayon, magiging masagana ang aanihing palay. Noon, bihira pa ang gumagamit ng mga pataba o fertilizer.
Ang gayong mga sistema ng makalumang paraan ng pagsasaka ay naging bahagi na ng lumipas. Ang dating araro at kalabaw na sistema ng pagbubungkal ng lupa ay nahalinhan na ng makabagong mechanized farming na ginagamitan ng makabagong mga makinarya. Mula sa pagbubungkal ng bukirin hanggang sa pag-aani, labis nang nagiginhawahan ang ating mga magbubukid.
Sa pamamagitan ng Department of Agriculture at iba pang ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa pagsasaka, inilunsad na rin ang mga programa na tulad ng libreng patubig, pagkakaloob ng mga agricultural implements sa mga magbubukid, kabilang dito ang abono at pagpapautang para sa livelihood projects na mapagkakakitaan ng ating mga kababayang magbubukid.
Kung nabubuhay pa ang aking ama, natitiyak ko na ang makabagong sistema ng pagsasaka -- at iba pang tulong, ay labis niyang ikatutuwa.
-Celo Lagmay