HINIHINGI ng tourism Promotions Board (TPB), ang marketing arm ng Department of Tourism (DOT), ang tulong ng mga guro sa bansa upang turuan ang mga kabataan na pakinabangan ang turismo sa bansa at ang maaari nitong maibigay na trabaho sa susunod na henerasyon.

Inilunsad na kamakailan ng ahensiya ang “Tara Na, Byahe Tayo” isang programa na magbibigay ng pagkakataon sa 160 public school senior high educators upang maranasan ang kultura, culinary, at ecotourism sa Southern Luzon.

“The overarching program of the Department of Tourism is sustainable travel and it’s not only about the environment, but it is also sustaining who we are; our culture. And what better partner to see than education?” pahayag ni TPB chief operating officer Venus Tan.

“To me, education starts from inception and I think it’s very important for our youth to be firmly educated not only on the aspects of the economy but also in the aspect of what the Philippines has to offer as an education,” dagdag pa niya.

Ayon kay Tan, makatutulong ang programa sa mga guro upang higit pang maunawaan ang buong sektor ng turismo bilang “most inclusive industry in the world” lalo’t sakop din nito ang edukasyon, kalakalan at agrikultura.

Tumakbo na ang programa nitong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga guro na lakbayin at bisitahin ang mga magagandang lugar sa bansa, makabuo ng sense of environmental awareness at conservation, at matutunan ang sustainable tourism.

Ang unang tatlong tour ay sabay-sabay na naganap sa Rizal kung saan natutunan ng mga kalahok ang Sining ng Pilipinas sa Carlos Botong Francisco Blanco Museum, Nemiranda Art House, Antipolo Church, at Pinto Art Museum.

Sa ecotourism, tampok naman ang tree planting activity sa Hinulugang Taktak, bonfire sa 3 Springs Mountain Park, at pagbisita sa Daranak Falls.

Nagkaroon din ng pagbisita sa Quezon at Laguna kung saan itinampok ang mga pagkain at agritourism sa lugar.

Bumisita rin ang mga kalahok sa Lake Pandin at Costales Nature Farms sa Laguna kung saan nila natutunan ang tungkol sa organic farming gayundun sa Lucban, Quezon upang matikman ang masasarap na putahe tulad ng pancit habhab at ang sikat na Lucban longganisa.

Samantala, bahagi naman ng pagbisita sa Batangas at Cavite ang wellness at mayaman na kasaysayan ng probinsiya. Bahagi ng mga lugar na dadayuhin ang Taal Heritage Town kasama ang Nurture Wellness Village sa Tagaytay.

PNA