SA aking pagtawid kamakailan sa Jones bridge -- na ngayon ay mistulang bagong-bihis at natatanglawan ng iba’t ibang kulay ng ilaw -- sumagi sa aking utak ang makulay, mapanganib at malagim na mga eksena na may kaugnayan sa nasabing tulay at sa buhay ng ating mga kapatid na mga mamahayag na pawang mga miyembro ng National Press Club (NPC). Ang gusali ng NPC ay nasa paanan lamang ng Jones bridge na laging tinutunghayan, dinadaanan at pinaglilibangan ng mga kapuwa natin print at broadcast journalist.
Sariwa pa sa aking gunita ang mistulang swimming competition ng ilan nating kapatid sa media na nag-uunahang makatawid sa Pasig River; ang Jones bridge ang nagiging diving board sa naturang paligsahan. Kung hindi ako nagkakamali, si Olaf Giron (SLN) na naging NPC president din ang nakipagpaligsahan sa pagtawid sa naturang ilog -- nang ito ay malinis at malinaw pa na hindi tulad ngayon na ito ay pinalabo na ng matinding polusyon. Noon, ang nasabing ilog ay sagana pa sa isda at iba pang lamang-dagat na niluluto sa mismong kusina ng NPC.
Hindi ko rin malilimutan na ang Jones bridge ay malimit na nagiging eksena ng sagupaan ng magkakaribal na grupo ng mga bandido at sugapa sa bawal na droga; panghoholdap sa mga dumadaan sa naturang tulay na ang ilalim ay pinamumugaran ng mga iskuwater. Lalong hindi ko malilimutan ang isang kahindik-hindik na habulan ng mga kriminal at ng mga alagad ng batas na tila pelikula na pinanonood ng ating mga kapatid sa media, maraming taon na ang nakalilipas. Ang habulan at mga salarin ay sinasabing nakarating sa lalawigan ng Quezon. Ang iba pang malalagim na eksena ay bahagi na lamang ng kasaysayan na natitiyak kong nakaukit pa sa alaala ng ating mga kapatid sa propesyon.
Ang tunay na larawan ngayon ng Jones bridge at kabaligtaran ng hindi kanais-nais na anyo nito noong nakalipas na panahon. Ngayon, ang naturang tulay na itinuturing na Queen of Bridges ay nag-aangkin ng kagandahang sa pangarap lamang makikita, wika nga. Sinasabing ginastusan ang renobasyon at pagpapailaw nito ng P20 milyon mula umano sa donasyon ng Filipino-Chinese businessmen. Ang pagpapailaw ay pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno at Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat.
Ang ganda at kaakit-akit na anyo ngayon ng Jones bridge ay hindi dapat mabahiran ng malalagim at mapanganib na eksena; at lalong hindi ito dapat papangitin ng bandalismo na kagagawan ng mga palaboy ng lansangan. Kailangan ngayon ay ang pangangalaga sa naturang tulay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng city government at mismong mga mamamayan, lalo na ang mga naninirahan sa Bindondo area.
-Celo Lagmay