ISA ang lungsod ng Iloilo sa tatlong siyudad sa bansa na pararangalan ng Clean Tourist City Standard ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
“We are very proud that Iloilo City is recognized as one of the three Philippine winners,”pagbabahagi ni Mayor Jerry Treñas.
“This warms my heart because having a clean city for my beloved Ilonggos and our tourists to feel safe is what I have worked hard for in the past five months,”dagdag pa ni Treñas.
Pormal na tatanggapin ng Iloilo City ang parangal sa Brunei sa Enero 2020.
Para kay Iloilo City Tourism Officer Junel Ann Divinagracia, ang pagkilala ng ASEAN ay malaking tulong upang maisulong ang siyudad bilang susunod na destinasyon para sa mga pagpupulong, kumperensiya, kumbensiyon at eksibit.
“This really promotes Iloilo City in the international arena,” pagbabahagi ni Divinagracia sa Balita.
Nitong Setyembre, nagsagawa ang Department of Tourism- Office of Tourism Standards and Regulations (DOT-OTSR) ng inspeksiyon sa mga programa at pagbabago para sa award, na mainam na kasangkapan na makatutulong sa ASEAN-member states na mapaganda ang kalidad ng turismo at mapataas ang kakayahan ng siyudad sa merkado.
Halos isang dekada na ang nakararaan, nang sumailalim ang Iloilo City sa massive infrastructure development sa pangunguna ni Ilonggo Senator Franklin Drilon. Isinulong niya ang pagbuhay sa Iloilo River, paglikha ng river park, at konstruksiyon ng Iloilo Convention Center. Isinulong din niya ang muling paggamit sa isang siglo nang gusali na naging Museum of Philippine Economic History.
-Tara Yap