MAKAMIT ang ikawalo at huling quarterfinals berth ang tatangkain ng Alaska sa pagsagupa nito sa namumunong NLEX ngayon sa pagtatapos ng 2019 PBA Governors Cup eliminations sa Ynares Sports Center sa Antipolo.

Magtutuos ang Aces (4-6) at ang Road Warrios (8-2) ganap na 4:30 ng hapon bago ang tampok na laban sa pagitan ng San Miguel at TNT ganap na 7:00 ng gabi.

Bagama’t nakakasiguro na ng twice-to-beat incentive sa playoffs, tiyak na gugustuhin pa rin ng tropa ni coach Yeng Guiao na maipanalo ang huling laban sa eliminations upang maibalik ang kanilang momentum na pinutol ng Northport Batang Pier noong Miyerkules sa pamamagitan ng 102-94 na tagumpay.

Dahil sa nasabing kabiguan, napigil ang 5-game winning run ng Road Warriors habang naisiguro ng Batang Pier ang ikapitong slot sa quarterfinals.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa panig naman ng Aces, hangad nitong makopo ang ikalimang panalo upang ganap na maisiguro ang ikawalo at huling puwesto at makaiwas sa kumplikasyon bago umusad ng susunod na round.

Sakaling mabigo, magkakaroon ng 3-way tie sa 8th place sa pagitan nila ng Rain or Shine at Columbian Dyip sa markang 4-7.

At kapag nagkataon, ang may pinakamababang quotient sa tatlong koponan ay tuluyan ng magbabakasyon habang ang dalawang may mas mataas na quotient ang maghaharap sa playoff para sa huling quarterfinals slot.

Sasakyan ng Alaska ang momentum mula sa naitalang tatlong dikit na panalo, pinakahuli noon ding nakaraang Miyerkules (Nobyembre 13) kontra Phoenix, 105-102.

Kapwa naman nakakatiyak na ng playoffs berth, parehas na maghahangad na makabuwelo ng Beermen (6-4) at Katropa (7-3) papasok sa susunod na round.

Sa kampo naman ng TNT, hindi naman nito gugustuhing malaglag at pumasok ng quarterfinals na galing sa tatlong sunod na kabiguan matapos ang natamong dalawang talo sa nakaraan nilang mga laro pinakahuli noong nakaraang Sabado sa kamay ng Magnolia, 93-100 sa larong idinaos sa Davao City.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Ynares Sports Center)

4:30 n.h. -- NLEX vs Alaska

7:00 n.g. -- San Miguel vs TNT