MANATILING kaagapay ng mga kasalukuyang lider para sa inaasahang insentibong twice-to-beat sa quarterfinals ang hangad ng TNT sa pagsagupa nito sa defending champion Magnolia sa hapong ito sa pagpapatuloy ng papatapos ng elimination round ng 2019 PBA Governors Cup.

Magtutuos ang Katropa at ang Hotshots ganap na 5:00 ng hapon sa solong laro na gaganapin sa University of Southeastern Philippines sa Davao City.

Hawak ang barahang 7-2, kasunod ng mga namumunong NLEX at Meralco na lamang sa kanila ng isang panalo, nais ng Katropang tumapos na nasa top 4 upang makamit ang bentaheng twice-to-beat sa playoffs.

Base sa format, ang apat na koponang nasa upper half ng top 8 squads ay may insentibo sa pagtatapos ng eliminations kontra sa kanilang mga katunggali sa quarterfinals kung saan ang mga magwawagi ay magtutuos sa best-of-5 semifinals series upang alamin kung sino ang maghaharap sa best-of-7 finals.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kasalukuyan namang nasa 6th spot taglay ang patas na markang 5-5, hangad naman ng Hotshots na ipanalo ang huling laro sa elimination round para makapagbaon ng momentum papasok ng playoffs kung saan kailangan nilang talunin ang makakatapat ng dalawang beses para umabot ng semis.

Parehas galing sa kabiguan sa nakaraan nilang laban, kapwa magtatangka ang dalawang koponan na makabalik sa win column.

Sisikapin ng TNT na makaahon sa kinasadlakang dalawang dikit na kabiguan, pinakahuli sa kamay ng Ginebra noong nakaraang Nobyembre 8, 93-96 habang magtatangka namang bumawi mula sa 85-86 na pagkasilat noong Linggo sa kamay ng NLEX Road Warriors ang Hotshots.

-Marivic Awitan

Laro Ngayon

(University of Southeastern Philippines Gym-Davao)

5:00 n.h. -- TNT vs Magnolia