PATATAGIN ang pangingibabaw ang tatangkain ng NLEX sa pagsagupa nila sa Northport sa unang laro ngayon sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Governors Cup.

Magtutuos ang Road Warriors at ang Batang Pier sa pambungad na laban ganap na 4:30 ng hapon bago ang tampok na laban sa pagitan ng Alaska at Phoenix ganap na 7:00 ng gabi sa Araneta Coliseum.

Pagsisikapan ng Road Warriors na ipagpatuloy ang naiposteng 5-game winning run, pinakahuli noong nakaraang Linggo kontra sa defending champion Magnolia Hotshots kung saan bumalikwas sila mula sa 26 puntos na pagkakaiwan upang iposte ang 86-85 na tagumpay.

Bagama’t, mainit ngayon mula limang dikit na tagumpay at pinapaboran kontra Batang Pier, naniniwala si NLEX coach Yeng Guiao na hindi nila puwedeng balewalain ang kalaban.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Kahit wala ang kanilang ace rookie na si Robert Bolick na na-sideline ng injury nito sa tuhod, batid ni Guiao na delikado pa ring kalaban ang Northport sa pamumuno nina Christian Standhardinger at import Michael Qualls.

Ayon pa sa dating Gilas mentor, sisikapin nilang mapag-ibayo pa ang pagiging consistent sa kanilang laro bilang paghahanda na rin sa susunod na round.

“We need to preserve our gains by improving our consistency and this game is a big test,” ani Guiao. “Our focus is on execution and trying to get better for the next round.”

Sa kabilang dako, magtatangka naman ang Batang Pier na makabangon mula sa dalawang sunod na pagkabigo, pinakahuli noong nakaraang Linggo kontra Meralco,88-103.

Samantala sa tampok na laro, tatangkain naman ng Aces na dugtungan ang naitalang back-to-back wins, pinakahuli noong Nobyembre 3 kontra Batang Pier, 106-99, upang umangat sa kinalalagyang 8th spot kasalo ng Northport taglay ang markang 3-6.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

4:30 n.h. -- Northport vs NLEX

7:00 n.g. -- Alaska vs Phoenix