MAKAALPAS sa dikitang team standings ang pupuntiryahin ng San Miguel Beer sa pagsabak nila sa unang laro ngayong hapon kontra Blackwater sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Governors Cup.

Tatangkain ng Beermen na kumalas sa pagkakatabla sa kasalukuyan ng Barangay Ginebra Kings sa third spot hawak ang magkaparehas na markang 5-3 sa pagtutuos nila ngayong 4:30 ng hapon ng Elite sa Cuneta Astrodome.

Sisikapin din nilang makabalik ng win column matapos sumadsad sa nakaraang dalawa nilang laban, pinakahuli sa kamay ng Meralco, 99- 125 noong Oktubre 27.

Sa kabilang dako, magsisikap naman ang katunggali nilang Elite na makaahon mula sa kinalalagyang buntot ng team standings kasalo ng Rain or Shine taglay ang barahang 2-7.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Tulad ng Beermen, hangad din nilang bumangon mula sa kinasadlakan nitong losing skid na umabot ng apat na laro, pinakahuli noong Oktubre 30 sa iskor na 93-101 sa kamay ng Ginebra.

Sa tampok na laro, hangad naman ng defending champion Magnolia na umangat sa kinalalagyang ika-4 na puwesto taglay ang 4-4 na marka sa pagsagupa nito sa Phoenix Pulse ganap na 7:00 ng gabi.

Tatangkain ng Hotshots na dugtungan ang naitalang 118-103 bounced back win noong Oktubre 27 kontra Columbian Dyip sa pagtutuos nila ng kasalukuyang pumapangwalong Fuel Masters.

Sa kabilang dako, magsisikap naman na makabangon ng Phoenix sa dinanas na dalawang dikit na pagkabigo, pinakahuli noong Oktubre 25 sa kamay ng Dyip.

Inaasahan namang maglalaro na sa Hotshots ang bago nilang manlalaro na si Chris Banchero na nakuha nila sa Alaska sa bisa ng isang trade kapalit nina Robbie Herndon at Rodney Brondial.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Cuneta Astrodome)

4:30 n.h. - San Miguel vs Blackwater

7:00 n.g. -- Phoenix vs Magnolia