PALIBHASA’Y lahi ng magbubukid, damang-dama ko ang tindi ng pagdadalamhati ng mga biktima sa pagbulusok ng isang trak sa isang bangin sa Conners, Apayao; pagdadalamhati na tinambalan ko naman ng pakikiramay. Sa naturang trahedya, 19 ang sinawing-palad at 22 ang nasugatan – mga biktima na pinaniniwalaan kong kabilang sa angkan ng mga magsasaka.
Naniniwala ako na ang nabanggit na aksidente – na talaga namang hindi maiiwasan subalit mababawasan lamang – ay naglantad sa katotohanan na ang nasabing mga biktima ay maituturing na kakambal na ng agrikultura. Ibig sabihin, sila pa rin ang gumaganap ng makabuluhang misyon sa pagpapaunlad ng pagsasaka – sa pagkakaroon natin ng sapat na produksiyon sa ating bansa bilang isang agricultural country; sila ang ating pag-asa upang matamo natin at ng gobyerno ang inaasam nating self-sufficiency in food. Maaaring kalabisan ilarawan, subalit ang mga magsasaka ang mistulang tumutustos sa aking mga ikinabubuhay.
Isipin na lamang na sa aking pagkakaalam, ang nabanggit na mga biktima ay nagsadya lamang sa Rizal, Cagayan upang kunin ang binhing palay at mais na libreng ipinamamahagi ng gobyerno – sa pamamagitan marahil ng Department of Agriculture (DA). Gusto kong maniwala na maaaring sinamantala nila ang gayong pagkakataon na bahagi naman ng programa ng gobyerno sa pag-ayuda sa magbubukid – isang programa na dapat lamang paigtingin ng kinauukulang mga awtoridad bilang pagkilala nga sa kahalagahan ng mga magbubukid sa pagsusulong ng mga proyektong pangkabuhayan.
Sa bahaging ito, nakalulugod namang mabatid na ang DA na pinamumunuan ni Secretary William Dar ay hindi lamang nagpahayag ng buong-pusong pakikiramay sa mga biktima ng trahedya kundi nagkaloob pa, sa aking pagkakaalam, ng kailangang mga ayuda; tulad marahil ng pagpapalibing at pagpapagamot sa mga nasugatan. Isa itong hudyat upang pag-ukulan ng naturang ahensiya ng pangalawang sulyap, wika nga, ang mga patakaran hinggil sa pagtulong sa mga magbubukid, tulad, marahil, ng pagkakaloob ng mga agricultural implements, abono at binhi. Ang pondo para rito ay maaaring manggaling sa taripa ng ibinabayad ng rice importers kaugnay ng implementasyon ng Rice Traffication Law (RTL).
Isa pa, gusto kong maniwala na isasaalang-alang na rin ng DA ang paglalagay ng free seed distribution center sa mga lalawigan, lalo na sa mga lugar na maituturing na rice granary ng ating bansa. Sa gayon, hindi na masyadong malayo ang lalakbayan ng ating mga kapatid na magbubukid upang sadyain ang kailangan nilang mga binhing palay at mais. At sa gayon, maiiwasan ang malagim na trahedya na tulad nga ng naganap sa Conners, Apayao kamakailan.
-Celo Lagmay