TOTOO nga ang sinabi ni Aga Muhlach tungkol sa pelikula nila ni Alice Dixson na ang psychological thriller NUUK na idinirihe ni Veronica ‘Roni’ Velasco, ‘tahimik ‘yung pelikula, abangan n’yo.!”

NUUK

Sa ipinapakitang trailer ay si Alice ang may problema dahil panay ang inom niya ng gamot para makatulog siya at sasabayan ng alcohol na ang dahilan ng lahat ay para makalimot sa pagkamatay ng asawa niya at sa pag-alis ng anak niyang si Karl dahil broken hearted kay Tessa na mahal na mahal niya.

Sa madaling salita, naiwang mag-isa si Alice sa bahay nila kaya nalulungkot siya hanggang sa hindi siya pagbilhan ng gamot dahil wala siyang prescription at nakita niyang mayroon nito si Aga kaya hinabol, ipinakilala ang sarili at saka sinabing bigyan siya ng gamot.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Naging magkaibigan ang dalawa hanggang sa nagkaibigan, pero maraming hindi alam si Alice kung sino talaga si Aga bilang si Mark Alvarez (karakter ng aktor).

Sa simula ng pelikula ay napaisip na kami kung bakit mayroon ding gamot si Aga tulad ng iniinom ni Alice gayung hindi naman siya depressed o nawalan ng mahal sa buhay tulad sa aktres.

Bubbly, sweet at matulungin si Aga kay Alice kaya hindi mo pag-iisipang may iba itong iniisip.

Si Aga ang dahilan kung bakit nabawasan na ang pag-inom ni Alice ng gamot dahil may nakakausap na siya, may napaglalabasan na siya ng sama ng loob at napagkuwentuhan din nila ang mga kabataan sa NUUK na sa murang edad ay nagdyo-dyowa na at kapag na-broken heart ay nagpapakamatay na ang pinakabata ay 16 years old.

Nabanggit din ni Alice kay Aga na ang anak niyang si Karl ay madalas niyang pagalitan dahil nga kung sinu-sinong babae ang ipinapakilala nito sa kanya kaya hindi na niya matandaan ang mga pangalan hanggang sa natawag niya sa maling pangalan ang isa at dito na sila nag-away mag-ina dahil nagalit ang girlfriend ng anak at hiniwalayan siya.

Sabi nga ni Alice, “malay ko ba, hindi ko kasi matandaan, tinawag kong Hanna si Tessa, hayun nag-away sila ni Karl, ako ang sinisisi ng anak ko sa paghihiwalay nila. Sabi ko iba na lang kasi ang mga kabataan dito haliparot.”

Nakikinig lang naman si Aga at hindi naman nagko-komento hanggang sa naiba ang topic.

Isa pang eksenang mapapa-isip ka ay nang makasalubong ni Alice si Aga sa sementeryo, sino ang dinalaw ng huli? Pero hindi nito sinagot ang tanong ng una kung bakit siya naroon.

Masaya ang bawa’t lakad nila, nililibot ang kapaligiran ng NUUK na hindi naman namin malaman kung saang lugar na sila dahil puro yelo naman ang makikita, maliban na lang nu’ng sumakay sila sa yate at nasa gitnang dagat para mag-date.

Base sa ipinakita sa pelikula ay pare-pareho ang itsura ng bahay sa NUUK na nababalutan ng yelo ang bubong, gayun din ang matataas na buildings na makikita lang kapag may araw, pero pag gabi na ay wala ka ng makitang tao sa daan.

Ito marahil ang sinasabi nina Aga, Alice at direk Roni na kapag may nangyari sa ‘yo sa daan walang tutulong sa ‘yo at makikita na lang ang bangkay mo pagsikat ng araw.

Ang bansang Greenland ang sinasabing nagtala ng may pinakamataas na suicide rate sa buong mundo dahil sa posibleng malamig ang klima at kalungkutan.

Sabi nga ni Alice kay Aga, “takot ako na baka makita ko na lang wala na si Karl.”

Tinanong siya ni Aga, “bakit mo naman nasabi ‘yun?

Sagot kaagad ni Alice, “e, kasi laging lasing, paano kung nakatulog siya bago bago makapasok ng bahay, nanigas na siya sa lamig.

At nagkatotoo nga, dahil isang araw ay nakita niyang wala ng buhay si Karl at natatabunan ng makapal na yelo.

Mahaba ang pelikula, malalim ang istorya at kailangan simula palang ng pelikula ay tandaan na kaagad ang mga eksena para habang umaandar ang pelikula ay hindi ka malilito at may twist ito.

Sa unang pagkakataon, napanood namin si Alice sa isang pelikulang walang make-up, oo hindi niya kailangang mag-make up sa bansang puro yelo dahil mawawala rin, kitang-kita ang eyebags, pero ang ganda pa rin ng aktres. Napansin ng lahat, mukha siyang Hollywood actress na hindi pa kilala.

Si Aga in fairness, ang payat nga niya sa pelikula, pero sa bandang huli medyo lumaki na siya at hindi iyon naging problema dahil hanggang ngayon, ang guwapo pa rin ng aktor.

Mahusay ang gumanap na Karl bilang anak ni Alice na local artist at si Tessa (Elaine Yu) na girlfriend nito na chinita at kasama sa premiere night na ayon kay Aga, “ang gandang bata ‘no?”

At higit sa lahat, ang galing-galing ni Alice sa kanyang breakdown scene posibleng ma-nominate sa Best Actress category.

Si Aga, walang kupas pagdating sa pag-arte, another Best Actor trophy next year?

Siya nga pala, sa bandang huli ng pelikula, naalala namin si Aga bilang si Gene Rivera na karakter niya sa pelikulang Sa Aking Mga Kamay, 1996.

Palabas na ngayong araw, Nobyembre 6 ang NUUK nationwide mula sa Viva Films.

-Reggee Bonoan