PORMAL nang pinasinayaan kamakailan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang P32.9 milyong regional rehabilitation center para sa mga kabataan at mga bata na nahaharap sa mga kriminal na kaso, na matatagpuan sa bayan ng Tantangan, South Cotabato.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Cezario Joel Espejo, DSWD 12 (Soccsksargen) director, na ang “state-of-the-art” facility ay tatanggap sa mga batang lalaki na nahaharap sa batas at sumasailalim sa intensive treatment at rehabilitation.

Ayon kay Espejo ang Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) ay may kapasidad na 60 beds at ang pinakamalaki sa rehiyon. Nakalagak ito sa isang 5,000-square metrong lote sa Barangay Bukay Pait, Tantangan kung saan makikita ang dormitory, administration building, at isang covered court na may entablado para magsilbing recreation center.

Pinganuhan naman ni Social Welfare Secretary Rolando Joselito Bautista ang pabubukas ng center kamakailan.

Sinabi naman ni Espejo, na layunin ng bagong pasilidad na masiguro na mapangangalagaan ang karapatan ng mga kabataan na nahaharap sa kaso.

Aniya, ang kanilang mga kliyente ay mga bata na ipinag-utos ng korte na sumailalim sa rehabilitasyon habang naghihintay ng suspension ng kanilang kaso.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Tantangan, sa pangunguna ni Mayor Benjamin Figueroa Jr., na magkakaloob ito ng suporta para sa pasilidad, na pinangangasiwaan ng DSWD-12.

Habang ang Public Attorney’s Office 12 naman ang nagkakaloob ng technical assistance at iba pang suporta sa mga operasyon ng center.