ITATAYA ng TNT ang malinis nilang imahe sa pagsagupa sa pumapangalawang NLEX sa tampok na laro ngayong gabi sa 2019 PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum.

Kasalukuyang nasa No.1 at 2 spots ng team standings ang Katropa at ang Road Warriors taglay ang markang 7-0 at 5-1, ayon sa pagkakasunod.

Huling tinalo ng Katropa ang koponan ng Alaska nitong Oktubre 18 sa iskor na 99-93 sa Ynares Center sa Antipolo City.

Manggagaling naman ang Road Warriors sa back-to-back wins pinakahuli noong Oktubre 16 kontra Columbian Dyip,117-111 matapos mabigo sa kamay ng San Miguel Beer sa larong idinaos sa Dubai.

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

Sa pagkakataong ito, tiyak na aabangan ang magiging tapatan ng mga imports ng dalawang koponan na sina KJ McDaniels ng TNT at Manny Harris ng NLEX.

Dito masusubok kung mapapangatawanan ng dating Michigan Wolverine at NBA veteran na si Harris ang itinala nyang 45 puntos sa kanyang debut game noong talunin nila ang Dyip habang aabangan naman kung magtutuluy-tuloy ang consistency na ipinakikita ni McDaniels.

Mauuna rito, mag-uunahan namang makabalik sa winning track ang Dyip at ang Fuel Masters na galing din sa kabiguan sa nakaraan nilang laro kontra Northport noong Oktubre 12 sa iskor na 70-80.

Sisikapin ng Dyip na kumalas mula sa 3-way tie nila ng Northport at Magnolia sa 6th spot hawak ang magkakahalintulad na 3-4 panalo-talong rekord habang tangka din ng Phoenix na makahulagpos sa 3-way logjam nila ng Rain or Shine at Blackwater sas 7th place taglay ang barahang 2-5.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Araneta Coliseum)

4:30 n.h. -- Columbian Dyip vs Phoenix

7:00 n.g. -- NLEX vs TNT