Masungkit ang ikapitong sunod na panalo na lalo pang magpapatibay sa kanilang solong pamumuno ang pupuntiryahin ng TNT sa pagtutuos nila ngayong gabi ng Alaska sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Governors Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Magaganap ang tapatan ng mga koponang kasalukuyang nasa ulo at buntot ng team standings ganap na 7:00 ng gabi pagkatapos ng unang laban sa pagitan ng Meralco at Blackwater ganap na 4:30 ng hapon.
Hawak ng Katropa ang malinis na markang 6-0, panalo-talo habang may isa pa lamang panalo ang Aces matapos ang anim na laro.
Huling tinalo ng Katropa ang kanilang sister squad Bolts noong nakaraang Sabado sa iskor na 116-113.
Nagposte si import KJ McDaniels ng 51 puntos at 10 rebounds upang pamunuan ang nasabing came-from-behind win na pormal na nagsulong sa kanila sa quarterfinals.
Bagamat pinapaboran kontra Alaska, hindi puwedeng maging kampante ang Katropa lalo’t nakakuha na rin ng momentum ang una makaraang makatikim na rin ng panalo sa nakaraan nilang laro kontra Rain or Shine,78-71 sa pamumuno nina import Franko House at nagbabalik buhat sa injury na si Jeron Teng.
Sa unang laban, magkukumahog naman ang Bolts na makabalik ng winning track upang tumatag sa pagkakaluklok nila sa third spot hawak ang 3-2 na rekord.
Taglay naman ang kabaligtarang barahang 2-3 sa 7th place, sisikapin naman ng Elite na dugtungan ang naiposteng 95-89 panalo kontra defending champion Magnolia noong Miyerkules sa pamumuno ni import Marqus Blakely at Mac Belo.
-Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Ynares Center)
4:30 pm Meralco vs. Blackwater
7:00 pm TNT vs. Alaska