PAPALO ang 1st Mayor Jun Punzalan- World Elimination of PingPong sa Setyembre 14-19 sa San Simon National High School sa Pampanga.
Bukod sa cash prize at tropeo, naghihintay sa magiging kampeon ang pagkakataon na katawanin ang bansa sa World Championships of Pinpong sa London.
“This is the first time, na mag-host ng ganito kalaking tournament ang aming bayan at talaga pong masayang-masaya ang aming mga kababayan. Todo po ang suporta ni Mayor Jun Punzalan para masiguro ang tagumpay ng tournament,” pahayag ni dating PBA player Mark Macapagal, miyembro ng organizing committee, sa kanyang pagbisita kahapon sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS).
“Ito pong tournament ay kaiba sa Olympic sports na nilalaro gamit ang rubber. Dito po sand paper ang gamit sa raketa. Very same po ang rules at regulation sa gamit na raketa lang nagkaiba,” ayon kay Macapagal.
Kasama niyang dumalo sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Community Basketball Association (CBA) at HG Guyabano Tea Leaf Drink ang 12-anyos na si AJ Villena, kinatawan ng bansa sa London tilt sa nakalipas na taon.
‘Target ko pong makalaro uli sa London, kaya pipilitin kong manalo rito,” ayon kay Villena, tinaguriang ‘table tennis phenom’ matapos magwagi laban sa pinakamatitikas na player sa bansa kabilang na si National player Richard Gonzales.
Naghihintay ang cash prize sa magkakampeon sa lahat ng dibisyon na nakataya. Bukas pa ang paglahok at sa mga nagnanais na makibahagi sa torneo, makipag-ugnayan kay Ju Ducusin sa mobile no. 09325835867.