TULUYANG nakuha ni WIM Jan Jodilyn Fronda ang solong liderato matapos maungusan si WIM Mikee Charle Suede sa 12th at penultimate round ng 2019 National Women’s Championship-Grand Finals sa Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) headquarters sa Mindanao Ave., Project 6, Quezon City.
Nasungkit ni Fronda ang krusyal na panalo laban kay Suede matapos ang 56 sulong ng French Defense sa prestihiyosong kumpetisyon na itinataguyod ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) upang piliin ang miyembro ng National Team sa World Chess Olympiad, na nakatakda mula Aug. 1-15, 2020 sa Khanty-Mansiysk, Russia.
May isang laro ang nalalabi, tangan ni Fronda ang 8.5 puntos patungo sa huling round ng torneo na sinusuportahan din ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pangangasiwa ni Chairman William “Butch” Ramirez.
Nakahirit si Fronda nang magtapos sa draw ang laban ni co-leader WIM Marie Antoinette San Diego at WIM Catherine Secopito sa ika-46 sulong ng Slav Defense.
Magkasalo sa ikalawang puwesto sina San Diego at Perena, kasama sina defending champion Shania Mae Mendoza at top seed WFM Janelle May Frayna, na pawang mag tig-8 puntos.
Ginapi ni Mendoza si Natori Biazza Duaz sa 43 moves ng London System, habang itinumba ni Frayna si May Ann Alcantara sa 42 moves ng Gruenfeld.
Ipinahayag ni tournament director GM Jayson Gonzales na ang kampeon sa naturang torneo ay mag-uuwi ng P25,000 at tropeo. Pinangasiwaan ni veteran arbiter Gene Poliarco ang torneo.