SISIMULAN ng defending champion Ateneo de Manila ang kanilang 3-peat bid sa tampok na laro ngayong hapon sa pagbubukas ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Nakatakdang makasagupa ng Blue Eagles sa tampok na laro ganap na 4:00 ng hapon ang Adamson, matapos ang unang dalawang laro sa naka iskedyul na triple bill.
Matatandaang ang Falcons ang sinabi ni Ateneo coach Tab Baldwin na paborito noong nakaraang season launch bilang pagkontra sa pagtatalaga sa Blue Eagles ng lahat ng kanilang katunggali bilang “team to beat”.
Kaya naman, inaasahan na ang matinding bakbakan ng dalawang koponan ngayong opening day kung saan tatangkain ng Falcons na maulit ang 74-70 na paggapi nila sa Blue Eagles sa first round ng nakaraang season.
Gaya ng dati, muling sasandigan ng Blue Eagles upang pamunuan ang kanilang title retention bid sina 2-time Finals MVP Thirdy Ravena, ang kambal na sina Matt at Mike Nieto at Ivorian slotman Angelo Kouame.
Inaasahan namang manggugulat sa panig ng Falcons sina veteran hotshot Jerrick Ahanmisi, Jerom Lastimosa, ang bagong sentrong si Lenda Couanga ng Congo at skipper Simon Camacho.
Mauuna rito, magtutuos sa unang salpukan ganap na 10:30 ng umaga ang University of Santo Tomas at University of the East na susundan ng bakbakan ng Far Eastern University at ng isa pang matunog na contender University of the Philippines ganap na 12:30 ng hapon.
Sa women’s division, pormal na ring msgsisimula ang kompetisyon sa pamamagitan ng sabay na laro ng UST Tigresses kontra UE Lady Warriors at ng FEU Lady Tamaraws at UP Lady Maroons na mahkasabay na sisimulan ganap na 8:00 ng umaga.
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
(Men’s)
10:30 n.u. -- UST vs UE
12:30 n.h. -- FEU vs UP
4:00 n.h. -- Ateneo vs Adamson
(Women’s)
8:00 n.u. -- UST vs UE
(UST Gym)
8:00n.u. -- FEU vs UP
10:00 n.u. -- Ateneo vs Adamson