MULING kumana ng panalo si Philippines’ youngest Woman Fide Master (WFM) Antonella Berthe “Tonelle” Murillo Racasa nang pabagsakin si Woman Candidate Master (WCM) Dilyana Ivanova ng Bulgaria sa Under-12 Girls division ng World Cadet Chess Championships nitong Huwebes sa Yujing Hotel sa Weifang, Shandong, China.
Ang 45th seed na si Racasa, (Elo 1380) ay pambato ng Home School Global, ay nanaig sa 1th seed na si Ivanova (Elo1673) sa ika-71 sulong ng Sniper defence tangan ang black piece tungo sa total 6.0 puntos.
“Another win for Antonella Berthe this time against Dilyana Ivanova of Bulgaria,” mensahe si Roberto Racasa, ama ni Tonette sa Facebook.
Bunsod ng panalo, ang 12-anyos na si Racasa ay umakyat sa 4th-9th places, sa likuran ng nangungunang sina Ruiyang Yan ng United States at Woman Candidate Master (WCM) Galina Mikheeva ng Russia na may tig 7.0 puntos.
Kinaldag ni Yan si overnight solo leader Woman Candidate Master (WCM) Alua Nurmanova ng Kazakhstan habang pinayuko naman ni Mikheeva si Nguyen Ha Khanh Linh ng Vietnam. Nanatili si Nurmanova sa 6.5 points para sa solo third place habang napako si Nguyen sa 5.5 points iskor din ni Wang Xiyue ng China.
Ang kampanya ni Antonella Berthe sa China trip ay suportado nina Philippine Amusement and Gaming Corp. chair at CEO Andrea Domingo, D. Edgard Cabangon ng ALC Group of companies, Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos at Councilor Charisse Abalos.
Suportado din si Racasa nina Mr. Rogelio Lim ng Boni Tower at Makati Medical Center President at Chief Executive Officer Rose Montenegro kung saan makakatapat niya si Nguyen sa Round 9.