NAGKAISA ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ang Department of Transportation (DOTr) sa “Tsuper Iskolar” program na magsasanay ng nasa 300 drayber at operator na pinasinayaan sa Pavia, Iloilo, kamakailan.

Iniaalok ang “Tsuper Iskolar” sa mga kooperatiba ng transportasyon upang mabigyan sila ng karagdagang kasanayan sa pamamagitan ng mga scholarship at mga livelihood training, lalong-lalo na sa mga apektado ng public utility vehicle (PUV) modernization program. Maaari ring sumali ang mga benepisyaryo at pamilya ng tsuper sa libreng skills at entrepreneurship training at sa skills assessment.

“We are modernizing not only the vehicles but also the skill level of our drivers for them to become more efficient in running their public utility vehicles. We are providing them skills, we are providing them additional livelihood training so that those who will operate our vehicles will become more financially viable,” pahayag ni DOTr Undersecretary Mark Richmund de Leon sa isang press conference.

Naglaan ang DOTr at TESDA ng P350 milyon para sa unang batch na makakatanggap ng scholarship. Sa budget na ito, P138 milyon ang inilaan sa 9,351 na iskolar.

Ayon kay Secretary Isidro S. Lapeña, director-general ng TESDA, nasa 5,685 na ang nagpaparehistro sa buong bansa, kasama na ang 300 mga target recipients sa Iloilo.

Inilunsad ang proyekto sa 11 rehiyon ng bansa.

Sa Western Visayas, nais itong ilunsad sa Bacolod City kung saan may malaking bilang ng mga tsuper, dagdag pa ni Lapeña.

Inilaan ang programa para sa mga tsuper na miyembro ng mga transport cooperative, gayunpaman, bukas ito sa mga hindi miyembro na nais maging isang drayber, tulad ng mga sumukong rebelde at mga indigenous peoples (IPs).

Binigyang-diin ni Lapeña na ang programa ay hindi dahil sa sinasabing “displacement” ng mga driver bilang isang resulta ng modernisasyon ngunit para sa “improving the skills of drivers to give them additional opportunities to improve their income.”

Inilahad naman ni De Leon na walang magaganap na pag-aalis sa modernisasyon ngunit magbibigay pa umano ng “more employment opportunities” dahil sa pagtatayo ng mga kooperatiba at korporasyon.

Sa kasalukuyang sistema na mayroong inidibiduwal na franchisee, operator at drayber, ang kulang sa kakayahan na maging moderno.

“Again the program is very comprehensive, very holistic, and inclusive. We are not expecting a lot of displacement in this modernization,” pahayag ni De Leon.

Samantala, ang mga nakatanggap ng “Tsuper Iskolar” pinili sa pakikipagtulungan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na mayroong impormasyon ng mga miyembro ng mga asosasyon ng transportasyon.

Ang mga hindi naman kasali sa asosasyon na interesadong sumali ay dadaan pa din sa LTFRB.

Sa 35-day training, makakatanggap ang mga iskolar ng P350 kada araw na halos katumbas na rin ng daily minimum wage sa Western Visayas, na PHP365 para sa mga non-agricultural/industrial at sa mga commercial establishments na may empleyadong lampas 10.

Tumatagal ng 15 araw hanggang 2 taon ang pagsasanay sa iba pang mga kasanayan, ayon kay Lapeña.

PNA