LUMARGA na ang unang 16 na bagong mga jeep sa ilalim ng Public Utility Vehicle (PUV) modernization program ng pamahalaan sa probinsya ng Bulacan.
Seserbisyuhan ng unang batch ng mga modernong jeep ang ruta ng Sampol Market sa Lungsod ng San Jose Del Monte papuntang Santa Maria at Meycauayan City.
Inihayag ni Jesus Sison, pinuno ng enforcement sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa modern PUV caravan nitong Biyernes, na ito ang unang ruta sa probinsya sa ilalim ng PUV modernization.
Sa ilalim ng PUV modernization system na inilatag ng LTFRB, ang mga PUV na lagpas 15 taon na ay di na papayagang bumiyahe pa bilang isang pampublikong transportasyon.
Kailangan na itong palitan ng mga bagong unit na nakaayon sa Philippine National Standard (PNS), tulad na lang ng Euro 4 crude engine.
Ipinaliwanag ni LTFRB regional director Ahmed Cuizon na kailangan maglunsad ng mga partikular na ruta nang sa gayon ay mapalitan na ang mga lumang unit ng bago.
Bumuo ng isang samahan ang mga jeepney drivers, ang Sampol Bulac-Santa Maria-Meycauayan Transport Service Cooperative (SBSMMTSC), upang makapasok sa programa.
Naglaan naman ang Landbank ng nasa P 1.5 bilyon para sa PUV modernization program ng LTFRB, na magpapahiram sa mga drayber upang makabili ng mga bagong jeep.
Walang interes ang pautang at maaaring mabayaran hanggang pitong taon. Dagdag pa, nagbigay ang pamahalaan ng P80,000 na tulong upang mapagaan ang bayad sa amortization.
Nasa 32 na bagong jeepney ang pinondohan ng Land Bank of the Philippines para sa SBSMMTSC, lahad ni Roberto Villacruz, isang drayber at ang treasurer ng SBSMMTSC.
Inihayag din nito, na ang ikalawang batch ng 16 na jeep ay paparating na.
Labing-isang piso lamang ang minimum fare at naka-fully aircondition pa ang mga ito.
“The back door is closed so the door is on the right side of the said vehicles. People often stand without stooping or bowing their heads as 22 people can sit down,” pahayag ni Villacruz.
Pinakauna sa Central Luzon ang SBSMMTSC na tumalima sa PUV modernization program.
Magkakaroon din ng biyahe sa mga pangunahing mga lugar sa probinsya tulad ng Malolos City, Meycauayan City, Malinta at Baliwag.
PNA