TIMBOG ang isang umano’y bigtime drug courier makaraang masamsaman ng P1.4 milyon halaga ng ecstasy sa Quezon City, iniulat kahapon.
Base sa report ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Agent 1 Jeffrey Cesa, kinilala ang suspek na si Arnold Emmanuel Dy, 22, finance manager ng isang construction company.
Nadakip si Dy sa isang buy-bust operation ng PDEA at Qeuzon City Police District sa isang convenience store, Eastwood City, Bgy. Bagumbayan, sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng dakong 9:40 ng umaga kamakalawa, isinagawa ang buy-bust operation laban kay Dy kung saan nasamsam sa kanya ang 465 piraso ng tableta na nagkakahalaga ng P1.4 milyon, mamahaling cellular phone at drug paraphernalia.
Nabatid na umaangkat umano ang suspek ng ecstacy sa Amerika at ibang bansa bago dinadala sa mga bar at hotel sa Metro Manila.
Nakapiit na ngayon ang suspek sa headquarter ng PDEA na sinampahan na ng kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drug Act of 2002.
-Jun Fabon