Nagbabala kahapon ang isang environmental group laban sa mga secondhand toys na ipinagbibili sa murang halaga sa mga tindahan ng ukay-ukay, bunsod ng posibilidad na makasama ito sa mga bata.

Ayon sa grupong EcoWaste Coalition, ang ilang produkto sa mga ukay-ukay ay maaaring nagtataglay ng mga kemikal na mapanganib sa kalusugan, lalo na sa ‘developing brain’ at central nervous system ng mga bata.

Nabatid na bumili ng may 105 pirasong iba’t ibang uri ng secondhand toys ang grupo mula sa mga ukay-ukay sa Maynila at Quezon City, sa halagang P10 hanggang P180 bawat isa.

Ngunit nang suriin ay natuklasa nilangg nagtataglay ang mga ito ng mataas na bromine content na mula 723 hanggang 4,190 parts per million (ppm).

National

Kitty Duterte, ibinahagi latest na mensahe ni FPRRD sa kanilang pamilya

Paliwanag ni Thony Dizon, ang chemical safety campaigner ng EcoWaste, ang bromine na matatagpuan sa itim na plastic component ng mga naturang laruan, at maaaring mula sa recycled plastic electronic casings, ay maaaring indikasyon ng presensya ng brominated flame retardant chemicals (BFRs).

Anang grupo, ang BFRs, gaya ng polybrominated diphenyl ethers (PBDEs), ay nakaaaprkto sa endocrine o hormone system.

Ang pagkalantad umano sa BFRs ay maaaring magdulot ng hepatotoxicity o chemical-driven liver damage at neurotoxicity, na pinsala naman sa central o peripheral nervous system.

Pinuna rin ng grupo na ang mga nabibiling laruan sa ukay-ukay ay ipinagbibili ng walang labeling information, na labag sa mandatory labeling requirements para sa mga ipinagbibiling laruan sa bansa, alinsunod sa Republic Act 10620, o ang Toy and Game Safety Labeling Act of 2013.

May 78 rin, aniya, sa mga laruang kanilang nabili ay nagtataglay ng maliliit na bahagi na maaaring maihiwalay sa laruan at puwedeng maisubo at malulon ng mga bata.

“Further examination of the samples revealed that as many as 78 items contain small parts that may be separated from the toy. A child may put the detached toy component in the mouth and choke, so a cautionary warning is definitely necessary,” sabi pa ni Dizon.

Umaasa naman si Dizon na ang kanilang mga findings hinggil sa mga naturang secondhand toys ay magreresulta sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad.

“We hope that our findings will prompt the authorities to initiate further investigation on the sale of used toys and other children's products in ukay-ukay stores to  protect young consumers against potential hazards to their health and safety,” aniya. “Yes, recycling is fun, but we do not want recycled toys from abroad to contaminate our children's bodies and harm their well-being and future."

-Mary Ann Santiago