May 22, 2026

Home BALITA National

Bawal fake news! DICT-CICC, bantay-sarado sa socmed hinggil sa gulo sa Senado

Bawal fake news! DICT-CICC, bantay-sarado sa socmed hinggil sa gulo sa Senado
Photo courtesy: Screenshot from DICT

Nagbigay ng babala si Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Henry Aguada sa sinumang gagawa at magpapakalat ng fake news, fake content, at maling impormasyon patungkol sa naganap na sigalot sa Senado noong Miyerkules, Mayo 13.

Matatandaang nasuspinde ang session ng Senado nang biglang magsidatingan sa Senate building ang ilang uniformed men para umano dakpin si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, kaugnay pa rin sa arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa crimes against humanity ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng kaniyang administrasyon.

"Aktibo at mahigpit na nagbabantay ngayon ang Department of Information and Communications Technology, kasama natin ang Cybercrime Information and Coordinating Center sa mga magiging kaganapan sa social media at digital platforms hinggil sa isyu," ani Aguada.

"Alinsunod sa aming mandato, magsasagawa ngayon ng close monitoring ang DICT at CICC sa mga post o content na matatagpuang nanghihikayat na dagdagan pa ang gulo o maghasik ng karahasan."

"Nananawagan kami sa publiko at sa mga netizens na maging responsable sa pagbabahagi ng mga impormasyong online tungkol sa insidente," dagdag pa.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Paliwanag pa ni Aguada, sa panahon daw ng tensyon at pangamba, walang puwang ang pagpapakalat ng mga fake news at mga hindi beripikadong impormasyon, mga edited video, at mga mapanlinlang na mga post na magdaragdag ng kalituhan at takot sa publiko.

"Gaya ng sabi ng ating Pangulo, kalma lang po tayo," aniya pa.

Hinihikayat naman ni Aguada ang lahat na magbahagi lamang ng mga impormasyon mula sa mga lehitimo at opisyal na sources, at suriin bago mag-post o mag-comment o mag-share.

"Sinumang mapapatunayang nag-ambag o nag-udyok sa pagpapakalat ng maling impormasyon online at karahasan ay hindi palalagpasin ng CICC at sisiguraduhin na mapapatawan ng karampatang parusa," aniya pa.