Tatlong katao ang patay habang mahigit 700 indibiduwal naman ang inimbitahan ng mga awtoridad sa isinagawang Simultaneous Anti-Criminality Operations (SACLEO) sa Baseco Compound, Port Area, Manila, kahapon.
Ayon sa Manila Police District (MPD), inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga lalaking napatay matapos umanong manlaban habang tinatangkang makatakas mula sa mga pulis, na nagsasagawa ng door-to-door inspections sa compound.
Lumilitaw na dakong ala-una ng hapon nang simulan ang operasyon sa lugar, kung saan nagbahay-bahay ang mga pulis at tinipon ang nasa 720 tao sa isang malaking covered court, sa tabi ng Baseco Police Community Precinct (PCP).
Nasa 2,000 ang mga pulis ng MPD na kabilang sa SACLEO na pinangunahan ni Deputy District Director P/Colonel Antonio Yarra at lahat ng station at PCP commanders ang nagsagawa ng operasyon.
Pasado alas-tres ng hapon, sa kasagsagan umano ng operasyon, ay nanlaban sa magkakahiwalay na lugar ang tatlong suspek, ngunit napatay ng mga awtoridad.
Isa ang napatay sa nahagi ng Aplaya, ang ikalawa ay sa Block 6 habang ang ikatlo ay napatay sa Parola, Tondo.
Samantala, ang isinailalim naman sa beripikasyon ang mga inimbitahan upang matukoy kung nahaharap sila sa iba’t ibang kaso.
Sa naturang bilang, 21 ang inaresto dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002; 25 ang dinakip sa paglabag sa mga ordinansang ipinaiiral ng lungsod habang ang mga malilinis ang rekord ay pinayagan ring kaagad na makauwi.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad sa naturang operasyon ang dalawang hand grenade, 2 rifle grenade, 62 iba’t ibang uri ng baril, 15 iba pang uri ng deadly weapons, 158 na mga bala, 8 video karera machines, 50 gramo ng shabu, at 70 impounded na motorsiklo.
Dakong alas-sais ng gabi ng Linggo, nang matapos ang SACLEO.
Ayon kay MPD Director P/BGen Vicente Danao Jr., ang SACLEO ay kanilang isinagawa bilang pagtalima sa kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno na linisin ang Baseco Compound, mula sa mga ilegal na droga, mga armas at iba pang uri ng kriminalidad.
-Mary Ann Santiago