KAMAKAILAN ay may lumabas na ulat na ang C-5 Road, o mas pormal na kilala bilang Carlos P. Garcia Highway, ang may kalsadang may pinakamataas ng bilang ng sakuna sa bansa.
Hindi na kataka-taka ‘yan dahil kung dumaraan kayo sa lansangang ito, marahil ay atakehin kayo sa puso dahil sa rami ng mga eksenang nangyayari na inilalagay sa peligro ang mga motorista.
Nandiyan ang mga pasaway na pedestrian na tumatawid sa hindi itinakdang tawiran, nakahambalang jeepney dahil naghihintay ng pasahero, ‘takatak boys’ na nagtitinda ng iba’t ibang kalakal, at mga barubal na rider na kung magpatakbo ng kanilang motorsiklo ay mistulang nabili na nila ang buong C-5.
Lalong nakapagtataka ay marami namang itinalagang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at traffic enforcer ang iba’t ibang local government unit (LGU) na nakakasakop dito subalit hindi pa rin umiiral ang disiplina sa kalsadang ito.
Pinangangambahang darami pa ang bilang ng aksidente sa lugar dahil sa mga itinatayong imprastraktura tulad ng Skyway na magsisimula sa East Service Road at aabot sa Diego Silang area.
Bubulaga na lang sa mga motorista ang mga konkretong barrier na ginawang pangharang para sa mga heavy equipment na nagtatayo ng mga pundasyon para sa Skyway.
Kung inaantok kayo sa pagmamaneho ay iwasan n’yo na lang ang C-5 Road dahil nagmimistulang bote ito ng Coca Cola na biglang lumalapad ang daanan at sa isang idlip, bigla itong kikipot na walang babala.
Only in the Philippines. Dito rin n’yo lang masasaksihan ang linya ng kalsada na biglang didiretso sa bangketa dahil hindi na ito naituwid ng mga hinayupak na kontratista.
Siya nga pala, natuloy na rin sa mga kontratista ang ating usapan kaya sagarin na natin ang mga isyu.
Siguradong hindi nakalalagpas sa inyong pansin ang mga ‘bukul-bukol’ na linya ng aspalto sa gitna ng C-5 na animo’y may riles ang lansangang ito.
Dahil sa mga overloaded na truck ay lumubog ang dinaraanan ng gulong ng mga ito kaya nagkaroon ng riles sa gitna ng C-5. Habang tumatagal ay humahaba rin ang bukol na ito na karaniwan ding pinagmumulan ng aksidente, lalo na ng mga motorsiklo.
Isang beses ay nadaanan natin ang bahagi ng C-5 sa tapat ng SM Aura at laking tuwa natin na kinukumpuni na ang bukul-bukol sa gitna ng daan. Subalit ‘tila SOP (standard operating procedure) ang mga kontratista na biglang nawawala at hindi na itinutuloy ang pagsasaayos ng kalsada.
Hoy! Mahiya naman kayo!
-Aris Ilagan