KAKAIBANG karakter ng isang maingay, magaslaw at baklang kalye ang gagampanan ni Christian Bables sa comedy film na Panti Sisters, kasama sina Martin del Rosario at Paulo Ballesteros.
Sa naging panayam kay Christian, aminado siyang nahirapan siya sa ibang klase ng atake niya sa role ng isang bakla na hindi pa-demure.
Sabi pa ni Christian, pinag-aralan daw muna niya ang akting ng It’s Showtime host na si Vice Ganda sa mga nakaraan nitong pelikula, at nakatulong ito sa kanyang pag-arte sa Panti Sisters.
Idol daw niya si Vice sa pagko-comedy.
“Inaral ko si Ms. Vice Ganda. Anong mga qualities niya ang dapat i-idolize? Then I ended up crying and laughing, ibang klaseng tao si Ms. Vice,” sabi ni Christian.
Aniya pa, “Nung inaaral ko si Ms. Vice, grabe! I’ve been a huge fan of her humor, pero mas minahal ko yata siya ngayon.
“Ibang klase siyang magmahal sa nanay. Ibang klase ‘yung paninindigan pagdating sa pinaniniwalaan, ang galing!
“Before hindi ko napapansin yung ganyan ni Ms. Vice, pero nung inaral ko siya, mas sinaluduhan ko siya. Kaya pala siya nakarating sa ganyang estado dahil ang galing ng kanyang pagkatao.”
Ipinaliwanag din ni Christian ang isyu na umano’y ayaw na niyang tumanggap ng gay roles dahil nata-typecast siya rito.
“I think this is the right time for me to answer the tsismis na I won’t be doing gay roles anymore daw. I never said that.
“Kahit saang interview, kahit saang video recorded tape, wala akong sinasabing ganun at never kong sasabihin ‘yon. dahil hindi ko gagawin yon,” sabi ng aktor.
Dagdag pa niya, desisyon daw ng kanyang management na habang ginagawa niya ang teleseryeng Halik sa ABS-CBN na huwag muna siyang tumanggap ng bading na roles.
“It was my management’s decision na hindi muna tumanggap ng gay role for that time being lang.
“Ibang klaseng LGBT character ‘yung pinoportray ko sa Halik – closet si Barry. We’ve decided na hindi muna tumanggap ng loud gay character. Magkaiba yung ‘hindi muna’ sa ‘hindi na,’” paliwanag pa ni Christian
-ADOR V. SALUTA