Sinibak na sa trabaho at pinakakasuhan ni Manila Mayor Isko Moreno ang isang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), na nahuli sa isang video habang nangingikil umano ng pera mula sa isang mag-anak, na magkakaangkas sa isang motorsiklo ng walang helmet, sa Fugoso Street, kanto ng Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Maynila nitong Hulyo 15 ng gabi.

KOTONG

Mismong sa loob ng kanyang tirahan dinakip ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang suspek na nakilalang si Ricardo Galit, 44, may job order na traffic enforcer, at residente ng Baseco Compound.

Nang iharap sa alkalde ang suspek ay kaagad nitong kinumpiska ang identification (ID) card at hinubaran ng uniporme.

Metro

Mandaluyong, nakamit ang 100% rating sa child-friendly local governance audit

Ayon pa sa alkalde, pinasasampahan na niya ito ng kasong robbery extortion sa piskalya.

“He (Galit) will no longer be part of the MTPB. Charges will be filed against him,” pahayag ng Alkalde.

Aminado naman ang suspek na nagagawa niyang mangotong dahil mayroon umano siyang “quota” na P13,000 kada buwan na ibinibigay sa kanyang sector commander, na isinusulit naman nito sa isang tanggapan sa Manila City Hall.

Nauna rito, nag-viral ang video na ipinost ng isang concerned citizen noong Hulyo 21, kung saan nakitang inaabutan ng P500 ng mag-anak na motorista ang suspek at may caption pa umano na “Nagpalit lang kayo ng kulay dati kahel, ngayon kulay blue, pero ganun rin.”

Kaagad namang inaksiyunan ni Mayor Isko ang sumbong at inatasan ang mga tauhan ng SMaRT na hanapin ang suspek at bitbitin sa kanyang tanggapan.

Binalaan din ng alkalde ang mga supervisors at sector commander ng MTPB na susunod na silang isasailalim sa entrapment at aarestuhin.

“Sa susunod may marked money na, kaya kayong mga supervisor, sector commander, susunod na kayo pag hindi kayo huminto. Saan kayo nakakita na sinasabi na sa inyo ang gagawin? Mabigat din sa akin ang ganito pero bahagi ito ng pagsasaayos na ginagawa natin sa Maynila,” ayon pa kay Moreno.

Nauna rito, nagbabala ang alkalde na sisibakin sa pwesto ang lahat ng traffic enforcers ng MTPB kung hindi nila tutukuyin at isusuko si Galit.

-Mary Ann Santiago