Tututukan ng Malacañang sa natitirang tatlong taon ng administrasyong Duterte ang pagbibigay-tuldok sa pagkagutom pagsapit ng 2030.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na pinaigting pa ng resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey noong nakaraang buwan ang desisyon ng pamahalaan na isulong ang mga pagsisikap nito para sa #GoodbyeGutom upang matugunan ang pagkagutom sa natitirang panahon sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa nasabing survey, 35 porsiyento ng pamilyang Pilipino ang ikinokonsidera ang kanilang sarili na “food poor”. Tumaas ito ng eight percentage points sa 27% pamilyang naitala noong Marso ngayong taon.
Ayon kay Nograles, bago pa man isinapubliko ang resulta ng nasabing survey ay inatasan na ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng Gabinete na papag-isahin ang iba-ibang programa kontra gutom at kahirapan ng mga ahensiya ng gobyerno upang maging mas epektibo ang mga programang ito para sa mahihirap na pamilya, lalo na sa mga bata.
“Millions of kids benefit from government feeding programs, but there are many more we still have to reach. We still have a lot of work to do to make sure every Filipino child is properly fed until we can finally say #GoodbyeGutom,” ani Nograles.
Ang #GoodbyeGutom ang sentro ng programang Expanded Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP) ng pamahalaan para tuluyan nang masawata ang pagkagutom sa bansa pagsapit ng 2030.
Kasabay nito, natukoy ngayong Lunes sa hiwalay na SWS survey noong nakaraang buwan na dumami ang mga pamilyang nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan.
Sa nationwide survey nitong Hunyo 22-26 sa 1,200 respondents, natuklasan ng SWS na 10%, o nasa 2.5 milyong pamilya ang nakaranas ng involuntary hunger, kahit na isang beses, sa nakalipas na tatlong buwan, dahil sa kawalan ng makakain.
Mas mataas ang nasabing bilang sa 9.5%, o 2.3 milyong pamilya na nakaranas ng gutom noong Marso, 2019.
Nasa 15.7% ang nakaranas ng gutom sa Metro Manila (520,000 pamilya), 9.3% (isang milyong pamilya) sa iba pang bahagi ng Luzon, 8.7% (409,000 pamilya) sa Visayas, at 9% (508,000 pamilya) sa Mindanao.
-Argyll Cyrus B,. Geducos, Beth Camia, at Ellalyn de Vera-Ruiz