Itinanggi ng Bagong Silangan High School ang pagkalat ng mga ulat at mensahe sa social media na mayroong insidente ng pamamaril o pananaksak sa kanilang paaralan nitong Huwebes, Hulyo 2.
Sa pahayag ng Bagong Silangan High School, binanggit nilang walang katotohanan sa mga kumalat na alegasyon ng banta sa kanilang mga mag-aaral at sa kasalukuyan, patuloy itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.
“Mariing nililinaw ng Bagong Silangan High School na walang naganap na pananaksak o pamamaril sa loob ng paaralan. Ang mga mensaheng kumakalat sa Messenger tungkol sa umano’y banta sa ating mga mag-aaral ay hindi totoo at kasalukuyang iniimbestigahan ng mga kinauukulang awtoridad,”saad ng paaralan.
Anila pa, dahil sa naging mabilis na pagkalat ng maling impormasyong ito nitong umaga, dumagsa ang mga magulang at guardian sa paaralan upang sunduin ang kanilang mga anak.
Gayunman, iginiit ng Bagong Silangan High School na walang anumang insidente o paglabag sa seguridad sa loob ng kanilang paaralan at nananatiling ligtas ang mga mag-aaral, guro, at mga kawani sa loob nito.
“Kaninang umaga, mabilis na kumalat sa social media ang mapanlinlang na maling impormasyon na nagdulot ng pangamba at pag-aalala sa maraming magulang at tagapag-alaga, dahilan upang agad nilang sunduin ang kanilang mga anak sa paaralan. Muli naming binibigyang-diin na walang naganap na anumang insidente o paglabag sa seguridad sa loob ng ating paaralan. Nananatiling ligtas ang ating paaralan, at ang naging abala sa operasyon nito ay dulot lamang ng pagkalat ng hindi beripikadong impormasyon,” diin ng paaralan.
“Nais naming tiyakin sa buong komunidad ng paaralan na ligtas ang lahat ng mag-aaral, guro, at mga kawani. Walang naitalang nasugatan, at walang sinumang mag-aaral o empleyado ang napahamak bunga ng maling balitang kumalat,” anila pa.
Dahil dito, hinihikayat ng pamunuan ng paaralan sa publiko na maging responsable sa kanilang paggamit ng social media at sa pagbabahagi ng mga impormasyon.
Inaabiso rin ng paaralan na iwasang magpakalat ng mga hindi beripikadong mensahe, bagkus, kumuha lamang ng updates mula sa mga opisyal na pahayag ng Bagong Silangan High School, Schools Division Office, at iba pang ahensya ng pamahalaan.
“Hinihikayat namin ang lahat na maging responsable sa paggamit ng social media at sa pagbabahagi ng impormasyon. Huwag magpakalat ng mga hindi beripikadong mensahe at umasa lamang sa mga opisyal na pahayag ng Bagong Silangan High School, ng Schools Division Office, at ng iba pang awtorisadong ahensya ng pamahalaan,” payo ng paaralan.