Nilagdaan ngayong Lunes ng Armed Forces of the Philippines at LRT Authority ang kasunduan na magkakaloob ng libreng sakay sa mga aktibong sundalo sa lahat ng istasyon ng LRT-Line 2.
Nagpasalamat si Major General Bienvenido Datuin Jr., hepe ng Civil Relations Service (CRS) ng AFP, sa pamunuan ng LRTA at sinabing patunay ito na naa-appreciate ang seguridad na ipinagkakaloob ng militar sa publiko.
“The morale of soldiers are getting high with all of these efforts, knowing that our service are truly appreciated by our brother Filipinos,” sabi ni Datuin.
Alinsunod sa Memorandum of Agreement, libreng makakasakay ang mga sundalong aktibo sa serbisyo, basta kailangan nilang iprisinta ang officially-issued AFP IDs bilang access pass.
Bilang kapalit, magkakaloob ang AFP ng media mileage sa pamunuan ng LRTA sa pamamagitan ng isa kada linggong guesting sa Virtual RTV at radio station nito na DZDD; pagsasahimpapawid ng mga abiso ng LRTA sa VRTV at DZDD; pagpo-post sa AFP website ng LRT logo, sa pakikipagtulungan sa CRSAFP; at pagtatampok sa Ang Tala magazine “to further promote to the public the LRTA's management initiative”.
Magkakaloob din ang AFP ng mga ambulansiya at medical teams kapag nangailangan ang LRTA, sa panahon ng emergency, crisis situation, medical missions, at iba pa.
Ang MOA ay valid sa loob ng tatlong taon.
-Martin A. Sadongdong