Mga Laro Ngayon
(MOA Arena)
4:30 n.h. -- Phoenix vs Columbian Dyip
6:45 n.g. -- Alaska vs Rain or Shine
UMANGAT sa ikalimang puwesto kasalo ng Barangay Ginebra ang tatangkain ng Phoenix, habang sisikapin namang palakasin ang kapit sa kanilang kasalukuyang posisyon sa top 8 ang hangad ng Alaska at Rain or Shine sa magkahiwalay na laban ngayon sa 2019 PBA Commissioner’s Cup.
Mauunang sasabak ang Fuel Masters ganap na 4:30 ng hapon kontra cellar dweller Columbian Dyip bago ang tapatan ng Aces at Elasto Painters sa tampok na laro ganap na 6:45 ng gabi sa MOA Arena sa Pasay City.
Nasa ika-6 na puwesto hawak ang patas na barahang 4-4 , tatangkain ng Fuel Masters na umangat sa ikalimang posisyon kapantay ng huling koponan na kanilang ginapi para sa ikalawang sunod nilang tagumpay noong Hunyo 28 na Barangay Ginebra Kings, 111-103 sa Araneta Coliseum.
May gahibla pang tsansang makahabol sa huling upuan sa quarterfinals, magsisikap namang bumangon mula sa nalasap na 108-110 kabiguan sa kamay ng Northport noong Miyerkules-Hulyo 3 ang Dyip (2-7) upang makaahon sa mula sa ilalim ng standings kasalo ng NLEX.
Para makaabot sa No.8, kailangang ipanalo ng Dyip anganilang huling dalawang laro at umasang hindi umabot ng limang panalo ang kasalukuyang pumapangwalong Rain or Shine (3-5).
Nasa unahan ng Elasto Painters ang katunggaling Aces na taglay ang markang 4-5 para makaupo sa 7th spot.
Gaya ng Elasto Painters na galing sa dalawang sunod na kabiguan pinakahuli noong nakaraang Miyerkules sa kamay ng namumunong TNT,81-102, magkukumahog ding makabalik ng winning track ang Alaska na magbubuhat naman sa tatlong dikit na talo.
Huling kabiguan na kanilang natamo ay noong nakaraang Enero 30 sa kamay ng Ginebra, 106-118.
Sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon, kapwa naniniwala ang Alaska at Rain or Shine na kaya nilang umusad sa playoff round partikular ang huli na tatlong mabibigat na laro pa ang bubunuin kabilang na ang laban ngayon kontra Aces kasunod ang Magnolia at San Miguel sa pagtatapos ng eliminations.
“Medyo nakaka-frustrate seeing your import do his best but the locals are not really playing consistently. You see them play good one game and off the next,” aniya.
“It’s about playing consistently. Yun lang naman,” aniya.
-Marivic Awitan