Isa na namang panibagong low pressure area (LPA) ang namataan sa bisinidad ng Zamboanga Del Sur, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administation (PAGASA).
Sa pagtaya ng PAGASA, ang nasabing sama ng panahon ay magdudulot ng malalakas na pag-ulan sa Mindanao.
Samantala, nilinaw ng PAGASA na nalusaw na ang unang namataang LPA sa bahagi ng General Santos City.
Sa pahayag ni weather specialist Gener Quitlong, ng PAGASA, huling namataan ang panibagong LPA sa layong 40 kilometro Silangan ng Zamboanga City sa Zamboanga del Sur, kahapon ng umaga.
Maliit aniya ang posibillidad na maging bagyo ito at inaasahang malulusaw din ito sa susunod na mga araw.
Gayunman, magdudulot pa rin ito ng kalat-kalat ngunit malalakas na pag-ulan sa Zamboanga Peninsula, Bangsamoro, Northern Mindanao, at SOCCSKSARGEN.
“In Metro Manila and the rest of the country, partly cloudy to cloudy skies with isolated rainshowers will prevail due to localized thunderstorms,” ayon sa kanya.
Malaki rin aniya ang posibilidad na magkaroon ng flashflood at landslide bunsod ng malakas na pag-ulan.
-Alexandria Dennise San Juan