Hindi labag sa Konstitusyon ang kasunduan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping kaugnay ng pagpayag ng punong ehekutibo na makapangisda ang mga Chinese sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Paglilinaw ni Duterte, nakapaloob aniya ito sa napagkasunduan nila ng China sa unang biyahe nito sa Beijing, noong 2016.
Nag-ugat ang usapin nang banggain ng isang Chinese vessel ang bangkang pangisda ng mga Pinoy hanggang sa ito ay lumubog sa Recto Bank, noong Hunyo 9.
Kaugnay nito, hiniling naman ni Occidental Mindoro Rep. Josephine “Nene” Sato na isapubliko ang resulta ng imbestigasyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) sa insidente .
“Where is it?”, pagtataning ni Sato nang kumpirmahin ni Transportation Secretary Arthur Tugade na natapos na ang pahgsisiyasat sa insidente at naisumite na ito sa Malakanyang noong Hunyo 20.
Walang giyera.
Ito naman ang pahayag Senator Panfilo Lacson at sinabing malabong mangyari ang paulit-ulit na sinasabi ni Duterte na nakaumang ang digmaan kapag ipinilit natin ang ating pag-mamay-ari sa mga teritoryong pinagtatalunan.
Wala aniyang sinumang bansa ang magnanais na magkaroon ng giyera sa tinatawag na teknolohiyang nukleyar na batid naman na siyang tutunaw sa buong mundo.
“Maintaining the balance of power in the West Philippine Sea (WPS) will prevent that ignite War. Why? No two superpowers would go to war in this day and age of nuclear technology for the simple reason of its “zero sum” outcome,” ani Lacson.
Matatandaang inihayag ng pangulo na baka magkaroon ng digmaan kapag nagalit ang China sa patuloy nating paggiit sa ating pagmamay-ari sa mga pinagtataluang teritoryo.
Gayunman, sinuportahan ni Lacson ang panawagan ng pangulo sa United States at ibang bansa na tulungan ang Pilipinas sa WSP upang matiyak na hindi ito tuluyang makubkob ng China.
-Charissa M. Luci-Atienza at Leonel Abasola