Mga Laro Ngayon

(Cuneta Astrodome)

4:30 n.h. -- Northport vs Blackwater

6:45 n.g. -- Magnolia vs. Phoenix

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

MAITALA ang ika-apat na sunod na panalo na magpapanatili ng pagkakaluklok sa liderato ang pupuntiryahin ng Northport sa pagsabak kontra Blackwater sa pagpapatuloy ngayon ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Cuneta Astrodome.

Magtutunggali ang Batang Pier na nagtataglay ng kartadang 6-1, kapantay ng TNT na may laro kahapon kontra Columbian Dyip at ang solong pumapoangalawang Elite (4-2) ganap na 4:30 ng hapon.

Susundan ito ng salpukang Magnolia-Phoenix ganap na 6:45 ng gabi.

Naitala ng Elite kahit mayroon lamang silang pitong players na naglaro ang ikatlong sunod nilang panalo noong Miyerkules sa MOA Arena kontra Rain or Shine, 107-105.

Sa pagkakataong ito, inaasahang madadagdagan ng tikas ang batang Pier dahil lalaro na ang tatlong manlalarong nakuha nila sa trade mula sa Ginebra na sina Jervy Cruz, Kevin Ferrer at Sol Mercado kapalit ng dati nilang ace guard na si Stanley Pringle.

Sa kabilang dako, magtatangka namang makabalik ng win column ang Elite kasunod ng ikalawang kabiguang natamo noong Hunyo 14 sa kamay ng San Miguel, 106-127.

Inaasahan namang lalaro na sa kanila ang nagbabalik PBA na si Jameel McKay na syang ipinalit sa dati nilang import na si Alex Stepheson.

Ito’y matapos mabigong bumalik ni Stepheson sa bansa pagkarasng umuwi ng US noong nakaraang Linggo upang ipagamot ang pananakit ng kanyang tiyan na hinihinalang nagkaroon ng intestinal bacteria.

Ang 26-anyos na si McKay na produkto ng Iowa State ay dating import ng Phoenix noong 2017.

Samantala sa tampok na laro, puntirya naman ng Magnolia (2-2) ang ikatlong sunod na panalo sa paghaharap nila ng Phoenix (2-3) na hangad namang maitala ang unang back-to-back win ngayong conference.

-Marivic Awitan