Mga Laro Ngayon (Ynares Sports Center-Antipolo)

4:30 n.h. -- Alaska vs Meralco

6:45 n.h. -- Phoenix vs Rain or Shine

MAG-UUNAHAN na makapagtala ng ikatlong sunod na panalo ang Alaska at Meralco upang makaagapay sa mga namumuno sa pagtutuos nila sa unang laro ngayong hapon ng 2019 PBA Commissioner’s Cup.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ganap na 4:30 ng hapon ang salpukan ng Aces at ng Bolts sa Ynares Sports Center sa lungsod ng Antipolo.

JVee Casio at Mark Barroca (PBA Images)
JVee Casio at Mark Barroca (PBA Images)

Kapwa galing sa back-to-back win ang dalawang koponan na nag-angat sa kanila sa kartadang 3-2, kasunod ng may laro kahapong TNT (3-1) at mga lider na Blackwater (4-1) at Northport (4-1).

Huling tinalo ng Aces ang Magnolia Hotshots nitong nakaraang Miyerkules sa Big Dome, 103-80, habang huling pinadapa ng Bolts ang Phoenix noong nakaraang Biyernes, 101-95.

Inaasahang magiging mainit ang tapatan ng dalawang koponang hangad na palawigin ang kanilang nasimulang winning run partikular ng kani-kanilang mga reinforcements na sina Chris Daniels para sa Aces at Gani Lawal para sa Bolts.

Magkataliwas naman ng kapalaran, siguradong matinding bakbakan din ang mamamagitan sa pagitan ng Phoenix Pulse at Rain or Shine na kasalukuyang magkasalo sa markang 1-2 ganap na 6:45 ngayong gabi.

Tatangkain ng Fuel Masters na putulin na ang dalawang sunod nilang pagkabigo, pinakahuli sa kamay ng Bolts nitong Biyernes habang sisikapin naman ng Elasto Painters na dugtungan ang natamong unang tagumpay nitong Biyernes kontra defending champion Ginebra, 104-81.

Sa ikalawang sunod na pagkakataon, sasabak ang Phoenix na wala sina head coach Louie Alas at Calvin Abueva na kapwa suspindido.

Marivic Awitan