SA unang pagkakataon, ginunita ng Diocese of Baguio, sa pangunguna ni Rev. Fr. Marlon Umanza ng Our Lady of Antonement (Baguio Cathedral), ang pagkilala kay Blessed Virgin Mary sa pamamagitan ng tradisyunal na Flores de Mayo (Flowers of May), o Sabsabong ti Mayo sa salitang Ilokano.
Ang Flores de Mayo ay pagbibigay-pugay sa Ina ni Hesukristo na si Maria. Sinimulan ito noong 1854 nang iproklama ang dogma ng Santo Papa na si Maria ay ipinaglihi ni Santa Ana nang walang kasalanang mana— Immaculada Concepcion.
Kaakibat nito, noong 1867, isinalin ni Padre Mariano Sevilla ng Bulacan ang debosyunal na “Flores de María” bilang “Mariquit na Bulaklak na sa Pagninilay-nilay sa Buong Buwan ng Mayo ay Inihahandog ng mga Deboto kay María Santísima”.
Sa buwan ng Mayo, nag-aalay ng mga bulaklak at panalangin para kay Maria ang taumbayan sa mga simbahan, at sa huling araw ginagawa ang prusisyon.
Sa halos isang linggong pag-ulan sa lungsod sa nakalipas na mga araw ay maituturing na pinagpala ang huling araw ng Mayo, dahil naging maaliwalas ang panahon at naisakatuparan ang makasaysayang Flores de Mayo, sa tulong ng mga konsepto ng Mangaywan Corporation, sa pangunguna nina Jenny Bello at Eroz Goze, at mga Baguio City fashion designers.
Tatlumpung babae, na tinatawag na Flores de Maria, na nakasuot ng makukulay na costume, na sumisimbolo sa banal na kababaihan sa Bibliya, kasama ang kani-kanilang konsorte, ang nagprusisyon sa Session Road.
Bagamat hindi naman masamang gawing fashion show ang tradisyon na ito, dahil ang kultura ay nagbabago at umaayon sa agos ng panahon, hindi dapat mawala ang tunay nitong konteksyo sa relihiyon at kasaysayan.