ISANG panalo na lamang ang kailangan ng National University upang mapanatili ang men's title matapos padapain ang Far Eastern University , 21-25, 25-23, 25-23, 25-18, kahapon sa Game 1 ng kanilang UAAP Season 81 Volleyball Finals sa Araneta Coliseum.

Nabigo noong opening day sa Tamaraws, ang panalo ang ika-15 sunod para sa Bulldogs ngayong season na naglapit sa kanila sa asam na ikalawang sunod at pang-apat na men's volleyball crown.

Mula sa dikdikang laban sa unang tatlong sets, tila sasakyang naubusan ng gas sa fourth frame ang Tamaraws dahil mula sa 4-0 pagkakaiwan ay di na sila nakaporma sa kalaban hanggang sa tuluyan silang layuan sa iskor na 20-13.

"Lumamang kami sa experience namin sa championship and yun ang nagamit namin sa larong ito,” pahayag ni NU coach Dante Alinsunurin.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pinangunahan ni James Natividad ang nasabing panalo sa ipinoste nyang 16 puntos mula sa 15 attacks at isang service ace.

Ang Game 2 ng serye ay magaganap sa Miyerkules sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.