Isang araw bago ang eleksiyon, patuloy ang paglobo ng kaso ng vote-buying at sellers sa buong bansa.
METRO MANILA, 84
Nasa 84 katao ang inaresto sa vote-buying sa pinaigting na kampanya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) hindi lamang sa voter-buyers kundi maging sa sellers sa bisperas ng eleksiyon.
Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, ang mga naaresto sa Makati City ay walong vote-buyers at 52 sellers, na pawang dinampot sa loob ng barangay hall sa Barangay San Isidro, Makati City.
“Three of the eight voters arrested are barangay officials. We will refer this to the Commission on Elections and the Department of the Interior and Local Government,” ani Eleazar.
Kinilala ang tatlong barangay officials na sina Karen May Matibag, 36, barangay treasurer; Medlyn Joy Ong, 40, barangay secretary; Marie Antoinette Capistrano, at administrative staff ng barangay.
Ang limang iba pa ay sina Wenifredo Ong, Jr, 37; Mario Louis Siriban, 32; Adrian Chiapoco, 30; John Brian Matibag, 30; at Ma. Liberty Dacullo, 33.
Nasamsam ang 820 piraso ng 500 peso bills, na nasa kabuuang P410,000; 19 na identification (ID) cards; 10 cell phone; listahan ng mga botante na may mga address at precinct numbers; at dalawang kahon ng leaflets.
Ayon kay Eleazar, 17 ang naaresto sa Muntinlupa City, at isa sa Malabon; at anim sa Quezon City.
BATANGAS, 8
Walo naman ang naaresto sa Batangas sa umano’y vote-buying, na ang kapalit ay itlog ng manok na may kasamang leaflet ng kandidato sa loob ng plastic trays, nitong Sabado.
Inaresto ng Lipa City Police sina Adonis Esguerra, Ricardo Sumadsad, Benigno Alaraz, Mario Meneses, Rodel Calalo, Jhonny Dionson, Isagani Anticamara, at Precillano Masaho.
PANGASINAN, 4
Apat ang dinampot sa Barangay Buer, Aguilar, Batangas, kabilang ang umano’y dalawang empleyado ng kapitolyo, ngayong Linggo.
Magkatuwang ang National Bureau of Investigation-Dagupan District Office (NBI-DADO) at Commission on Elections (Comelec) monitoring team sa pagbibilang sa mga nakuhang pera, na mahigit P400,000, at mga listahan ng pangalan ng mga residente na tumanggap na ng pera.
CEBU, 4
Apat din ang inaresto sa Cebu City, kabilang ang dalawang Sangguniang Kabaataan (SK) officials, nitong Sabado.
Kinilala ang mga inaresto na sina John Paul Nabua, 18; at Kyle Dublin Baricuatro, 21; Theodoric Gesta Pepito, 33; at Anjo Tundag Pepito, 31.
Sina Nabua at Baricuatro ay SK Councilor at SK Secretary sa Bgy. Cogon Ramos, ayon sa pagkakasunod.
ROMBLON, 3
Tatlong botante sa isang barangay sa Odiongan, Romblon ang nagbalik ng pera na kanilang natanggap mula sa isang re-electionist town councilor at isang barangay captain, iniulat ngayong Linggo.
-AARON RECUENCO, MARTIN A. SADONGDONG, BELLA GAMOTEA, LYKA MANALO, LIEZLE BASA IÑIGO, at CALVIN D. CORDOVA