May ibubuga si Kai sa US NCAA -- Badolato
KAISA si coach Ato Badolato sa dalangin ng sambayanan sa tagumpay ni Kai Sotto na makalaro sa US NCAA hanggang sa NBA.
“May ibubuga ang bata,” pahayag ng beteranong coach na tinaguriang ‘winningest junior coach’ sa bansa.
“IF given the right training, focus and support he is a good materials and can compete in the US NCAA and God forbid in the NBA,” sambit ni Badolato, arkitekto sa matagumpay na kampanya ng San Beda junior team sa high school basketball tournament.
Sentro ng usapin ngayon sa komunidad ng basketball ang desisyon ng 7-foot-2 na si Sotto na iwan ang pagkakataon na maglaro sa UAAP at ituon ang pansin sa pagsasanay sa America upang higit na madevelop para maging sandata sa pagsabak sa US NCAA at sa katuparan ng pangarap na makalaro sa NBA.
“He’s young and promising. I’m sure his parents talk this over and discussed to other basketball coaches friends and officials. Maganda naman ang intensyon, bakit hindi subukan, malay natin, Kai would be the first homegrown Pinoy na makalaro sa NBA,” pahayag ni Badolato sa kanyang pagbisita sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) kahapon sa National Press Club (NPC) sa Intramuros, Manila.
Iginiit ni Badolato na mas matutugunan ang pangangailangan ni Sotto na mahasa ang husay at galing sa US bunsod na rin ng makabagong kagamitan at modernong teknolohiya.
“Several foreign players na superstar ngayon sa NBA ay nagbuhos din ng sakripisyo na magtraining sa US at played college ball sa NCAA bago talagang gumaling. Sotto has the potensyal, nasa kanya na ‘yun kung hanggang saan niya dadalhin ang sarili niya,” sambit ni Badolato sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC).
Binulaga ng 16-anyos top player ng Ateneo Blue Eaglets at pambato ng RP Team sa Under-19 basketball ang komunidad ng basketball ng ipahayag sa kanyang Instagram ang desisyon na magtungo sa US para magsanay.
“Nakapag-decide na po ako at ang pamilya ko,” sambit ni Sotto sa kanyang opisyal Instagram account @kzsotto.
“I’ll be leaving soon to start training full-time. I want to devote the next two to three years to single-mindedly focus on my goal of joining the NBA by 2021 or 2022,” aniya.
“After a lot of effort by me and my Dad to assess all opportunities presented to me, I strongly feel (with his advice and the advice of other experienced mentors) that leaving immediately to start my training camp and getting the right exposure will go a long way to help me realize my dream.”
Nakatakdang magtungo sa Atlanta, Georgia ang buong pamilya ni Sotto sa tulong ng kinuha nitong American agent upang ibuhos ang atensyon sa pagsasanay.
-Edwin Rollon