Sa pag-arangkada ngayong Biyernes ng local campaign period para sa May 13 midterm elections, kani-kanyang gimik ang mga kandidato upang makumbinse ang mga botante.

SINO’NG MAYOR MO? Nagsimula nang mangampanya kahapon para mayor ng Maynila sina dating Vice Mayor Isko Moreno, incumbent Mayor Joseph Estrada, at dating Mayor Alfredo Lim. (ALI VICOY)

SINO’NG MAYOR MO? Nagsimula nang mangampanya kahapon para mayor ng Maynila sina dating Vice Mayor Isko Moreno, incumbent Mayor Joseph Estrada, at dating Mayor Alfredo Lim. (ALI VICOY)

Sa Maynila, mahigpit ang labanan sa pagka-alkalde nina incumbent Mayor at dating President Joseph "Erap" Estrada, dating Manila Mayor Alfredo Lim, at dating Manila Vice Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.

Magkasunod na dumalo sa misa sa Sto. Niño de Tondo Parish Church sina Domagoso at Lim, sa ganap na 6:00 at 8:00 ng umaga, ayon sa pagkakasunod.

Metro

Humigit-kumulang 500k deboto, dumalo sa prusisyon ng Poong Nazareno ngayong Biyernes Santo

Matapos ang misa ay nag-motorcade si Moreno, kasama ang running mate niyang si Honey Lacuna, patungong Bustillos sa Maynila para sa proclamation rally.

Tiniyak ni Moreno na hindi siya makikilahok sa "batuhan ng mga putik" ng mga kapwa kandidato.

“Sa halip na i-base ang kampanya sa paghahagis ng putik o ‘yung mga black propaganda, hahayaan na lang namin sila,” aniya. “Iiwasan namin at hindi kami papatol sa mga away-away.”

Kinausap naman ni Lim ang kanyang mga tagasuporta sa kalapit na fast food restaurant at saka nag-motorcade sa Tondo.

Si Lim ang official candidate ng ruling party na Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Samantala, pinangunahan naman ni Estrada ang proclamation rally sa Onyx Street at Sagrade De Pamilya, malapit sa Dagonoy Market.

Si Estrada ay muling tumatakbo sa kanyang huling termino sa pagka-alkalde ng Maynila, ka-tandem si long-time Manila Councilor Amado Bagatsing, na magtatangka namang agawin ang puwesto sa pagka-bise alkalde mula kay incumbent at re-electionist Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan. Makakalaban nila sa vice mayoral race si dating P/Gen. Elmer Jamias.

Sa San Juan City, mahigpit ang tunggalian sa pagka-alkalde sa pagitan nina incumbent Vice Mayor Janella Ejercito Estrada at dating San Juan Vice Mayor Francis Zamora.

Nabatid na hindi agad sumabak sa pangangampanya si Estrada, na anak ni dating Senator Jinggoy Estrada, at sa halip ay ilulunsad ang kanilang kampanya bukas, Marso 30.

Pangungunahan ni Estrada ang isang proclamation rally sa Plaza ng Masa sa N.

Domingo Street, na inaasahang dadaluhan ng kanyang 10,000 tagasuporta at ng kanyang amang si Jinggoy at tiyuhin na si Senador Joseph Victor "JV" Estrada, na kapwa tumatakbo sa pagka-senador.

Makakasama ni Estrada sa pangangampanya ang congressional candidate na si Edu Manzano, at ang ka-tandem ni Estrada na si vice mayoralty candidate na si Boy Celles.

Samantala, pinangunahan ni Zamora, ng PDP-Laban, at ng kanyang amang si reelectionist Cong. Ronnie Zamora ang paglulunsad ng kanilang kampanya sa pamamagitan ng isang misa sa Pinaglabanan Church, ganap na 4:00 ng hapon.

Matapos ang misa, nagsagawa rin ng parade patungo sa Plaza ng Masa, kung saan idinaos ang aktuwal na Proclamation Rally, dakong 6:00 ng gabi.

Sa Pasig City, tatangkaing agawin ni Councilor Vico Sotto ang puwesto sa pagka-alkalde laban kay incumbent Mayor Robert Eusebio.

Si Sotto, 29, na pinakabatang konsehal ng Pasig at anak ng mga artistang sina Vic Sotto at Coney Reyes, ay kasalukuyang chairman ng Public Relations and Information Committee ng lungsod.

Wala namang kalaban sa pagka-bise alkalde si Vice Mayor Christian Caruncho Bernardo, ng PDP-Laban.

Sa Marikina City, susubukan ni incumbent at re-electionist Mayor Marcelino "Marcy" Teodoro na manungkulan sa ikalawang termino bilang alkalde ng lungsod.

Makakalaban niya sina Lorderito Nebres at Marijoy Villoso.

Sa Mandaluyong City, inaasahan na ang pagkapanalo ni Mayor Carmelita Abalos, na asawa ni long-time Mayor Benjamin "Benjamin" Abalos, Jr, dahil wala itong kalaban.

-Mary Ann Santiago