“SINO ba talaga si Misuari na nagbabanta ng digmaan? Sino ang mga kasama niya na makikipaggiyera? Sino ang kanyang kaaway? Tanungin muna natin siya kung sino ang kanyang kaaway,” wika ni Col. Noel Detoyato sa panayam sa kanya sa DZBB.
Si Detoyato ay pinuno ng Public Affairs Office, Armed Forces of the Philippines (AFP). Binanggit niya ang pagsalakay ng Misuari-led faction ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City noong September 2013 kung saan idinepensa ng AFP ang mga lokal na residente na siyang target nito.
Ang banta ni Misuari ay minaliit ni Defense Delfin Lorenzana at tinawag na “bluff” lamang.
Pero hindi mismong si Misuari ang nagsabi ng pagbabanta ng giyera, at ipinaabot lang ito ni Pangulong Duterte sa mga mamamahayag. Bilang sagot ng Pangulo sa bantang ito na sinabi niya: “Kapag nabigo ang pederalismo, pareho tayong mamatay.” Ang ibig sabihin ng Pangulo, ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sila ni Misuari ang maglalaban.
Hindi naniwala si Sen. Antonio Trillanes na ginawa ni Misuari ang pagbabanta. Pakana lang, aniya, ito ng Pangulo. Ganito rin naman ang paniniwala ni dating MNLF Chair Muslimin Sema, dahil sa statement na inisyu niya kamakailan, nagbabala siya na ang digmaan ay hindi larong bata.
“Ang MNLF central committee at lahat ngmiyembro nito ay nagkakaisang ipagpatuloy ang daan patungo sa walang hanggang kapayapaan,” wika ni Sema.
Kaya ano itong digmaang sinasabi ng liderato ng Kamara? Wika nito:
“Kapag naganap ang digmaan sa Mindanao dahil sa pagkabigo ng minimithing pederalismo, huwag ninyong sisihin ang House of Representatives”. Ginawa na nito, aniya, ang kanyang bahagi sa pagsagot sa banta ni Misuari na magkakagiyera kapag nabigo ang pederalismo.
Ayon kay Deputy Majority Leader Rodante Marcoleta, ibinigay na ng Kamara sa ilalim ng liderato ni Speaker Gloria Arroyo ang plano ng bagong Saligang Batas sa Senado noon pang isang taon.
“Sinusuportahan ng House of Representatives ang krusada ni Pangulong Duterte na gawin ang pederalismo sa bansa sa pamamagitan ng proseso ng Saligang Batas,” sabi ni Marcoleta.
Nitong nakaraang Disyembre, inaprubahan ng Kamara ang resolusyon ng Kamara at Senado na nagmumungkahi ng plano ng bagong Saligang Batas, para gawing federal ang sistemang unitary ng ating gobyerno, ngunit pananatilihin ang bicameral at presidential set up. Si Speaker Arroyo mismo ang nagsulong ng panukala na inaprubahan ng mga mambabatas sa botong 224-22 at tatlong abstention.
Inilalatag na ng administrayong Duterte ang batayan sa pagtatatag ng pederalismo at pamumuno ng bansa nina Pangulong Duterte at Speaker Gloria Arroyo. Minsang naiulat na hindi na tatakbo si Arroyo at ikakampanya na lang ang kanyang sarili para mapamahal sa taumbayan. May higing na hihirangin siya ng Pangulo sa Gabinete nito. Kaya ito umanong banta ni Misuari ay ginagawa na naman daw krisis tulad ng krisis sa bigas at tubig para matupad ang nilalayon ng administrasyon.
-Ric Valmonte