GEN. TINIO, Nueva Ecija – Hindi na nakapalag ng isang pulis na umano’y nag-AWOL (absent without official leave) nang arestuhin ito ng pulisya sa kasong panggagahasa at acts of lasciviousness, sa isang resort sa General Tinio, Nueva Ecija, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si PO1 Johnny Caudia Ocampo, nakatalaga sa General Tinio Police headquarters, na nasa kustodiya na ng National Capital Regional Police Office (NCRPO)-Regional Special Operations Unit (RSOU).
Sa report, sinalakay ng mga tauhan ng RSOU-NCRPO, Gen. Tinio Police at Guimba Police ang pinagtataguan ni Ocampo sa PMP Man Made resort sa Barangay Nazareth, sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Caloocan City Regional Trial Court Branch 124 Judge Victoria Perez, nitong Sabado, dakong 10:30 ng gabi.
Inaakusahan si Ocampo na gumahasa sa 14-anyos na stepdaughter nito at pangmomolestiya rin 15-anyos na kapatid ng huli sa Caloocan, noong 2010.
Nitong 2006, naging AWOL na si Ocampo matapos itong italaga sa Regional Intelligence Division ng Police Regional Office
(PRO-4B).
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang kalayaan ni Ocampo.
-Light A. Nolasco