Bilang bahagi ng pagsulong at paglago ng kabuhayan, isang grupo ng rubber farmers ang nakatakdang maglunsad ng produksiyon ng lokal na motorcycle tire brand.
Sa isang pahayag kamakailan, ibinahagi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na tutulong ang grupo sa paglulunsad ng Pilipinas Agila Tires – ang unang farmer-owned motorcycle tire brand na gawa sa lokal na goma na inaani sa bansa.
“This marks a small step forward in the program of the Department of Agriculture (DA) to elevate the farmer from the status of a raw material producer to the processor and merchandiser of finished products with added-value,” ani Piñol.
Pinangunahan ng Philippine Rubber Farmers’ Cooperative (PRFC), na binubuo ng mga magsasaka mula Mindanao at Palawan, ang hakbang upang makabuo ng mga aktuwal na produkto mula sa hilaw na goma.
Idinesenyo ang Pilipinas Agila Tires para sa pampasadang motorsiklo na kilala bilang “habal-habal”, gayundin para sa mga tricycles.
“We, along with our children, will be the marketing agents of the Pilipinas Agila tires and we can easily sell these even to our members because almost everybody owns a working motorcycle,” pahayag ni PRFC head Amando Pedregosa.
Sa susunod na buwan sisimulan na ang pagbebenta ng mga gulong na mas mababa ang presyo kumpara sa mga inaangkat na gulong sa ibang mga bansa.
Hiniling naman na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang opisyal na manguna sa paglulunsad sa merkado ng Pilipinas Agila 300x17 motorcycle tires, na naisakatuparan isang taon matapos balangkasin ang Philippine Rubber Industry Road Map at ipresenta sa kanya ng DAat ng Department of Trade and Industry (DTI).
Inorganisa ng DAnoong 2017 sa tulong ng DTI, pumasok ang PRFC sa isang processing at marketing agreement kasama ng Leo Tires Manufacturing of Valenzuela, Metro Manila para sa supply at buy-back scheme.
Sa kasunduan, bibili ang PRFC ng mga cup lumps na mula sa mga miyembro nito at ipoproseso sa rubber blocks na tinatawag na SPR-20 na ibebenta naman sa Leo Tires Manufacturing.
Ang mga nabuong Pilipinas Agila ng Leo Tires ay bibilhin muli ng PRFC na ibebenta sa merkado.
Inaprubahan ng DA, sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), ang P10-M paunang capital ng PRFC na may dalawang porsiyentong interes na maaaring bayaran sa loob ng walong taon.
Sa kompyutasyon ng mga opisyal ng PRFC, kikita ng maliit ang kooperatiba mula sa pagbili ng cup lumps sa mga miyembro nito at pagbebenta bilang SPR-20 sa Leo Tires Manufacturing.
Habang ang mas malaking tubo ay makukuha depende sa benta ng Pilipinas Agila motorcycle tires kung saan inaasahang makakukuha ng P100 ang samahan mula sa bawat gulong na mabebenta.
Una nang plano ang paglikha lamang ng mga 300 x17 motorcycle tire dahil ito ang kalimitang ginagamit at mas mabenta sa mga probinsiya.
Ngunit dahil sa oportunidad ng negosyo, ibinahagi ni Pedregosa ang mga plano ng kooperatiba sa hinaharap.
“Our next move is to manufacture other tire sizes, including tires for small tractors like ‘kuliglig’,” ani Pedregosa.
Target naman ng DAna bago matapos ang kasalukuyang administrasyon sa 2022, mayroon nang sariling planta ng goma ang mga magsasaka sa Mindanao.
PNA