Nais ng Department of Education (DepEd) sa isulong sa mas mataas na lebel ang financial education sa mga pampublikong paaralan.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na natanggap na ng DepEd ang ikalawang set ng financial literacy videos mula Banco de Oro (BDO) Foundation at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa ginanap na turn-over ceremonies sa DepEd Central Office, kamakailan.
Ang mga videos ay bahagi ng memorandum of agreement (MOA) na nilagdaan ng DepEd, BDO at BSP noong Mayo 28, 2018.
Layunin ng MOAna magkaloob ng mga aralin tungkol sa responsableng paghahawak ng pananalapi at pamamahala ng mga yaman sa pamamagitan ng isang financial literacy program bilang tugon sa Republic Act 10922 o ang Economic and Financial Literacy Act.
Ang unang set ng financial videos, ay naka-upload na sa DepEd online learning portal, na nakatuon sa mga “why’s and how’s of saving.” Ginagamit na ang mga ito sa mga classroom instruction at sa mga pagsasanay ng mga guro sa buong bansa.
Samantala, ang ikalawang batch ng videos para sa mga guro at mag-aaral ay nakatuon sa mga aralin tungkol sa budgeting and financial management, investing, avoidance of scams, managing indebtedness, at entrepreneurship.
“For me, we can talk about financial literacy, we can talk about money in a very rational way, the way economists do it. But we will have to look at the sociology, the cultural side of it. What makes people spend more than their income? Why do people save? Why is it that others save and others don’t?,” ani Briones.
Sa naunang panayam, ipinaliwanag ni DepEd Undersecretary for Finance-Budget and Performance Monitoring Annalyn Sevilla sa Philippine News Agency (PNA) na ang mga kabataang mag-aaral na lumalaki nang may pag-unawa sa kanilang mga financial priorities at pagkalkula sa financial risks ay mahalaga para sa pagsusulong ng nation-building.
Dagdag pa ni Sevilla, ang mga videos ay maaring susi sa pagtatakda ng mga kaugalian, na maaaring makuha at matutunan ng mga mag-aaral, bukod sa kahalagahan ng pagtatabi ng salapi.
“Kapag ang bata ay tinuruan ng financial management, natututo silang maging responsible and to think critically. Naiisip nila kung alin ang mas importante pagkagastusan at mamuhay lamang sa kakayahan nila ,” aniya.
Binigyang-diin din niya na ang financial literacy ay hindi lamang tungkol sa pagtitipid ng pera ngunit kaugnay din ito kung paano umiikot ang salapi sa isang komunidad.
“Ang decision-making ng mga bata sa pera ay nagpo-progress (Children’s decision-making about money progresses) from simple to big things, when they become parents, businessmen and leaders of our communities, they will manage their finances according to what was taught to them when they were young,” dagdag niya.
Bilang pagkilala sa tungkulin ng mga guro sa pagsusulong ng financially-literate Filipinos, sinabi ni Sevilla na tuon din ng ahensiya na mabigyan ang mga ito ng financial management skills na maipapakita nila sa kanilang mga mag-aaral.
“For the newly-hired teachers, Secretary Briones instructed, part ng kanilang (of their) orientation is financial literacy. Meron kaming (We have a) resource person na nagtuturo ng (who teaches) personal management of your finances, not just the partnership with BDO, BSP, Government Service Insurance System but a lot of non-government organizations volunteering to teach our teachers,” aniya.
PNA