PINALIBUTAN ng TV reporters, bloggers, online writers at print media si Arjo Atayde pagkatapos ng mediacon ng Bagman nitong Miyerkules.
Siyempre, ang topic ay si Maine Mendoza, at inusisa ang aktor kung paano niya hinarap ang mga magulang ng dalaga para ipakilala ang sarili niya nang dumalaw siya sa mga ito sa Bulacan.
Hindi itinanggi ng aktor na kabado siya nang humarap sa mga magulang ni Maine.
“Of course, I think, every guy would be scared to meet the family. Nakakatakot po, eh, ‘di ba? Babae po ang anak nila. Nakakatakot, but I faced it, I have to, and I want to.”
Sabagay, nabanggit naman ni Maine sa blog niya noong araw mismo ng kaarawan niya, Marso 3, na naaliw siyang gunitain na “timid” si Arjo habang kausap ang mga magulang niya. Biniro pa ang aktor na “papatayin” kapag sinaktan ang kanilang anak.
Pero ang seryosong bilin ng daddy ni Maine kay Arjo: Ingatan at huwag sasaktan ang kanilang anak.
Ano ang pakiramdam ni Arjo na finally ay inamin na siya ni Maine sa publiko? “Masaya po ako. I’m very, very, very happy, I’m contented,” nakangiting sagot ng binata.
Dedma naman si Bagman sa bashers na hindi pa rin tanggap ang relasyon nila ni Maine.
“I am, very, very happy and I think, that’s what matters now. My career, ABS-CBN is taking care of me, my personal life is good, my family is fine, they’re all very good, so I’m very happy. Kuntento po ako ngayon, sobra,” saad ng aktor.
Anyway, may nagsabing si Arjo raw ang dahilan kaya buwag na ang love team nina Maine at Alden Richards, ang AlDub.
“Ay hindi ko po alam ‘yun, but I’m on a personal side. ‘Yun lang po ang masasabi ko,” mabilis na sagot ng binata.
Samantala, mapapanood na ang Bagman in three drops simula sa Marso 20 (6 episodes), Marso 27 (3 episodes), at Abril 3 (3 episodes) sa iWant, handog ng Dreamscape Digital at Rein Entertaiment, mula sa script at direksyon ni Shugo Praico. May celebrity screening naman ito sa Trinoma Cinema 7 sa Marso 19.
-Reggee Bonoan